Ebanghelyo: Lucas 16:1-8
Sinasabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’ At naisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawain ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’ Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may –utang sa kanya ng panginoon. Tinanong niya ang una: ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo, maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: ‘Walundaan.’ Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.”
Pagninilay:
“Ano ang ginagawa ko sa mga ipinagkatiwala sa akin?” Sa totoo lang, parang nakalilito ang talinghagang ito. Pinuri ni Jesus ang isang katiwalang hindi naging tapat sa kanyang amo. Naku, hindi po ibig sabihin nito na pinupuri ni Jesus ang pandaraya. Ang kanyang pagiging maagap at marunong kumilos sa harap ng isang mahalagang pagkakataon ang pinuri. Alam ng katiwala na darating ang araw ng pagsusulit. Hindi na niya mababago ang kanyang nakaraan, kaya pinag-isipan niya kung ano ang dapat niyang gawin sa kasalukuyan.
Ano po ang mahalagang tanong ng Mabuting Balita ngayon? Paano natin ginagamit ang bawat araw na ipinagkatiwala sa atin gayong alam nating may hangganan ang ating panahon? Isang pangangasiwa ang ating buhay. Hindi natin tunay na pag-aari ang lahat: ang oras, talento, ari-arian, posisyon, impluwensiya, mga pakikipag-ugnayan, at maging ang ating mga kakayahan. Ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos ang lahat ng ito. Darating ang panahon na tatanungin tayo ni Jesus: “Ano ang ginawa mo sa mga ipinagkatiwala Ko sa iyo?”
Kadalasan, nauubos ang oras natin sa mga bagay na hindi naman tunay na mahalaga. Maraming oras sa cellphone, ngunit kakaunti para sa panalangin. Maraming panahon para sa trabaho, ngunit kaunti para sa pamilya at komunidad. Maraming enerhiya para sa sariling tagumpay, ngunit kakaunti para sa mga taong nangangailangan. Hindi hinihingi ng Panginoon na maging marami ang ating nagawa kundi ang maging tapat at matalino tayo sa paggamit ng kung anong mayroon tayo.
Mga kapanalig, ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos? Ginagamit mo ba ito para sa sarili mo lamang, o nagiging pagpapala rin ba ito sa iba?
May oras pa, kapanalig. May pagkakataon pa. May mga taong maaari pa nating lapitan, patawarin, tulungan, pakinggan, at mahalin. Huwag nating hintaying dumating ang araw na wala nang pagkakataon upang itanong kung ano ang dapat nating gawin. Ngayon na ang pinakamagandang panahon upang maging mabuting katiwala. Opo, regalo ang bawat araw. Pananagutan ang bawat kakayahan. At isang pagkakataong mamuhunan para sa buhay na walang hanggan ang bawat pagkakataong magmahal.
- Sr Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul