Ebanghelyo: Lucas 16:9-15
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: gamitin n’yo ang di matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan. Ang mapagkatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay hindi rin mapagkatiwalaan sa malalaki. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga bagay na labas sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng atin na mismo? Walang katulong na makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa o magiging matapat sa isa at mapababayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.” Naririnig ng mga Pariseo ang lahat ng ito. Sakim sila kaya pinagtatawanan nila siya. At sinabi ni Hesus sa kanila: “Ginagawa n’yo ang lahat para magmukhang mabuti sa paningin ng mga tao pero alam ng Diyos ang inyong mga puso. At kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang mataas sa mga tao.”
Pagninilay:
Nakatuon ang pagbasa natin ngayon sa mga turo ni Jesus tungkol sa katapatan, ang pagpili sa Diyos, ang tamang gamit ng ating mga makamundong ari-arian at kayamanan. Mga kapanalig, pinapaalalahanan tayo ni Jesus na anuman ang mga bagay na nasa atin ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos. Yaman, talento, panahon, relasyon, mga opurtunidad at maging ang ating bokasyon ay regalo ng Diyos. Hindi tayo ang may-ari ng lahat ng ito; katiwala lamang tayo. Kung tapat tayo sa mga ito at ginagamit natin ito para sa ikabubuti ng kapwa at ating sarili, tayo ay mabuting katiwala. Hindi tayo makapaglilingkod sa Diyos at kayamanan. Hindi masama ang salapi at materyal na yaman; ang paalaala sa atin ng Diyos ay huwag sana itong maging sentro ng ating buhay. Magawa sana nating tahakin ang landas na magpapalago ng ating relasyon kay Jesus. Ang salapi at materyal na yaman ay makatulong sana upang mapalapit tayo sa Diyos. Paano? Tumulong tayo sa mga nangangailangan. Maranasan nawa natin ang patuloy na magtiwala sa Panginoon sa kabila na ating yaman.
Panalangin: Panginoon, turuan Mo po akong magbahagi ng yaman at talino na mula sa Iyo. Ang anumang maliit na pagpapalang ibinigay mo sa akin ay magawa ko sanang ibahagi sa aking kapwa. Amen
- Sr. Edith Ledda, fsp l Daughters of St. Paul