Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 1, 2026 – Huwebes, Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo:  Lucas 10:1-12

Humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapalit-palit ng bahay. Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.’ Saanmang bayan kayo pumasok at di nila kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga liwasan nito ang inyong sabihin: ‘Pati na alikabok mula sa inyong bayan na kumapit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin sa inyo. Gayunman, alamin ninyong palapit na ang Kaharian ng Diyos.’ Sinasabi ko sa inyo na magaan pa ang sasapitin ng mga taga-Sodom kaysa bayang iyon sa dakilang Araw.”

Pagninilay:

Ang pagsusugo ni Hesus sa pitumpung alagad na ating narinig sa Mabuting Balita ay hindi lamang kuwento na nangyari noon. Nararanasan din natin ito sa ating pang-araw araw na buhay. Tayo rin ay isinusugo araw-araw—hindi lamang sa simbahan kundi sa ating tahanan, opisina, paaralan, negosyo, at maging sa social media. Ang bawat Kristiyano ay may misyon na maging tagapaghatid ng pag-asa, kapayapaan, at pag-ibig ng Diyos.

Ang paalaala ni Hesus sa mga alagad, huwag magdala ng maraming bagay. Gusto niyang matuto silang magtiwala sa Diyos kaysa sa kanilang sariling kakayahan. Paalaala rin ito sa atin. Sa panahon ngayon, iniisip nating madalas na kailangan muna nating maging handa, magkaroon ng mataas na pinag-aralan, maging magaling sa mga bagay-bagay, bago tayo makapaglingkod. Ngunit ang hinahanap ng Panginoon ay hindi perpektong tao, kundi pusong handang sumunod at magtiwala.

Napakalapit sa puso ko ang Gospel narrative na ito, dahil nagpapaalaala ito sa akin ng misyon na karaniwan naming ginagawa as Daughters of St. Paul; ang bumisita sa mga pamilya, sa parokya, sa mga schools na kung saan ay dinadala namin ang bibliya, mga aklat at iba pang mga babasahin na makakapagpalalim ng pananampalataya at pakikipag-ugnayan sa Dios.

Kapatid, ang paalaala ni Hesus sa mga alagad, ay paalaala rin niya sa bawat isa sa atin. Dalhin ang kapayapaan saan man magpunta. When we are confronted with anger, division and negativity around us; tayong mga Kristiyano ay tinatawag at isinusugo na maging tagapaghatid ng kapayapaan. Minsan, sa pamamagitan ng mabuting salita, isang taos-pusong pakikinig, isang simpleng paghingi ng tawad, o isang tahimik na pagtulong ay sapat na upang maranasan ng iba ang presensya ng Diyos.

– Sr. Pinky B. Barrientos, fsp | Daughters of St. Paul