Ebanghelyo: Lucas 2:22-32
Nang dumating na ang araw ng paglilinis nina Jose at Maria ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon—tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon.Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na na banal para sa Panginoon. Dapat din silang mag alay ng sakripisyo tulad ng binabangit sa batas ng Panginoon: isang pares ng batubatu o dalawang inakay na kalapati.
Naroon sa Jerusalem ang isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon. Hinihintay niya ang pag papaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo na hindi siya mamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Hesus upang tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya.
Kinalong siya ni Simeon sa kanyang braso at pinuri ang Diyos at sinabi:
“Mapapayaon muna ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon narin sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa bansang pagano at ang luwalhati sa iyong bayang Israel.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Ano ang alay mo ngayon sa Panginoon? O ang mas maiging tanong marahil ay ano ang nais ng Diyos na ialay mo sa kanya ngayon? Kapatid/Kapanalig, ginugunita natin ngayon ang pag-aalay nina Maria at Jose kay Hesus saTemplo.Nag-alay din sila ng kalapati alinsunod sa batas. Maliban diyan ipinagdiriwang din natin ngayon ang World Day for Consecrated Life na inilunsad ni Pope John Paul II noong 1997. Isa itong pagkilala ng Simbahang Katoliko sa mga pari, brothers at tulad naming mga madre na nag-alay ng aming buong buhay at paglilingkod sa Panginoon, gaya ng pag-aalay kay Hesus sa Templo bilang handog sa Diyos Ama.
Kapatid/Kapanalig, ipagdasal natin na dumami pa ang mga kabataang magkaroon ng lakas ng loob na tumugon sa panawagan ng Diyos na magpari at magmadre. Pasalamatan natin ang Diyos sa Kanyang patuloy na pagpapadala ng mga pari at madre na handang magsakripisyo at maglingkod upang higit na ipakilala si Hesus bilang tunay na ilaw ng buong mundo, na sinisimbolo ng mga kandilang ating pinabasbasan ngayon. Nawaý maging liwanag din tayo ng bawat isa. Amen.
- Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul