Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Pebrero 5, 2026 – Huwebes, Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Mark 6:7-13

Tinawag ni Hesus ang Labindalawa at sinimulang isugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihan sa mga maruruming espiritu. At sinabihan niya silang huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon. Nakasandalyas at isang damit lamang.

At sinabi niya sa kanila:” Pagtuloy n’yo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa pag-alis n’yo mula roon. Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila.”

At pag-alis nila, ipinangaral nila ang pagbabalik-loob. Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring may-sakit ang kanilang pinagaling sa pagpapahid ng langis.

Pagninilay:

Binigyan ni Hesus ng instructions ang Kanyang mga alagad para mangaral; “Humayo kayo ng dalawahan.” Hindi isa-isa, kundi may kasama. Para may karamay, may katulong. Tapos, wala silang dala-dala kundi isang tungkod. Walang baon na pagkain, walang pera sa bulsa, walang extrang damit. Bakit kaya? Para lubos silang magtiwala kay Hesus na magbibigay ng lahat ng kailangan nila. Simple lang ang mensahe: “Magbagong-buhay! Malapit na ang kaharian ng Diyos.” Paano kaya nila nagawa ‘yun? Ang sikreto: nagtiwala sila kay Hesus.

Ganyan rin ang ginawa ni Santa Agatha, isang napakaganda at napakabait na dalaga. Maraming lalaki ang naakit sa kanya, at may isang makapangyarihan na gusto siyang pakasalan. Pero nangako na si Agatha na ibibigay ang buong buhay niya sa Diyos. Kaya, tumanggi siyang magpakasal. Dahil sa pagtanggi na ‘yun, nagalit ang makapang-yarihang lalaki at pinahirapan siya. Grabe ang mga dinanas niya. Pero kahit na sa gitna ng sakit, nanatiling matatag ang kanyang pananampalataya. Hindi siya nag-backdown. Hanggang sa huli, nagtiwala siya kay Hesus. Ibinigay niya ang lahat—pati ang kanyang buhay—para sa pananampalataya. Kaya nga tinatawag siyang martir at birhen.

Pareho sila ng mga alagad, ‘di ba? Parehong nagtiwala. Parehong sumunod. Parehong hindi naghanap ng sariling comfort o seguridad. Ang focus nila: ang misyon at ang pagmamahal kay Hesus.

Kapanalig naniniwala at nagtitiwala sa’yo ang Diyos. Binigyan ka Niya ng misyon sa buhay—maliit man ito o malaki. At sa paggawa nito, huwag kang kabahan kung feeling mo kulang ang dala mo. Dahil kasama mo Siya. Si Hesus ang iyong kasama. Tulad ng mga alagad na humayo nang dala-dalawa, hindi ka Niya pababayaan.

  • Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul