Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Pebrero 4, 2026 – Miyerkules, Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Mark 6:1-6

Pumunta si Hesus sa kanyang bayan, kasama ng kanyang mga alagad. Nang sumapit ang Araw ng Pahinga, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi:” Ano’t nangyayari kanya ang lahat ng ito? Saan kaya galing ang karunungang ito na ipinagkaloob sa kanya, at saan din kaya galing ang mga himalang ito na nagagawa ng kanyang mga kamay? Di ba’t siya ang karpintero? Ang anak ni Maria at kapatid nina Jaime, Jose, Simon at Judas? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Hesus:” Sa kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamag-anakan at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At hindi niya nakayang gumawa ng himala roon. Ilang maysakit lamang ang pinagaling niya sa pagpapatong ng kamay. At namangha siya sa kawalan nila ng paniniwala.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Cl. John Ervin Valerio ng Society of St. Paul ang pagninilay. Gaano natin kakilala ang isang tao? Kapag may artista tayong nakita, excited na excited tayo at mapapasabing: “Kilala ko yan! Kilala ko yan!” Magmamadali pa tayong magpapicture o magpa-autograph sa kanila. Kahit sa katunayan, hindi naman natin sila nakasama, hindi naman talaga natin sila kilala. Ang alam lang natin, ang mga napapanuod natin sa TV at pelikula. O kapag may nakasalubong tayong pamilyar, sasabihin natin: “Parang kilala ko yan.” O kung mayroon naman tayong kaaway, ang sasabihin na lang natin: “Kilalang kilala ko na yan!”

Papaano kung si Hesus ang ating nakita? Ano ang magiging reaksyon natin? Ayon sa Ebanghelyo: “At siya’y ayaw nilang kilanlin.” Ayaw kilalanin si Hesus ng kanyang mga kamag-anak at mga kababayan, dahil ayon sa kanila, alam na nila kung saan at sino ang mga kasama nyang lumaki.

Maaaring mayroon din tayong kilala lang sa mukha, o kilala lang sa pangalan. Mga taong hindi natin “ka-close”. At madalas, hindi na natin sila sinusubukan pang kilalanin nang lubos. At gaya ng mga kababayan at kamag-anakan ni Hesus, hindi na nga sya kinilala, hinusgahan at kinainggitan pa.

Papaano tayo pagagalingin at bibiyayaan ng Diyos kung hindi natin sya hahayaang magpakilala? Ang Panginoon ang unang lumalapit. Pero, handa ba tayong kilalanin siya? Hindi sapat na kilala lang natin sya sa pangalan. Dapat ay naisin nating magkaroon ng malalim na relasyon sa kanya. Kilalang-kilala na tayo ng Diyos. Eh Siya ba, kilala natin? May personal encounter ba tayo sa kanya?

Panginoon, tulungan nyo po kaming maging bukas ang isip at kalooban upang tanggapin at kilalanin ka. Amen.

  • Cl. John Ervin Valerio, ssp l Society of St. Paul