Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 12, 2026 – Sabado

Ebanghelyo: Lucas 6: 43-49

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama’y hindi makapamumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapipitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. At umaapaw nga mula sa puso ang sinasabi ng bibig. Bakit pa n’yo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ pero hindi n’yo naman tinutupad ang aking sinasabi? Ilalarawan ko sa inyo ang lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at tumutupad nito. May isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay ng malalim at sa batuhan inilagay ang mga pundasyon. Pagdating ng baha, hinampas ng agos ang bahay na iyon subalit wala itong lakas para yanigin iyon sapagkat mabuti ang pagkakatatag niyon. At kung may nakaririnig ngunit di naman nagsasagawa, matutulad siya sa nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na wala namang pundasyon. Hinampas ito ng agos at kaagad bumagsak. Anong laki ng pagkawasak ng bahay na iyon!”

Pagninilay:

Isinulat ni Sr. Aida Adriano ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. Sa ebanghelyo ngayon, inihantulad ni Hesus ang ating mga puso sa isang storage container o isang malaking sisidlan. Kung ano ang mga iniipon natin ay siya ring iniimbak dito. Kung ano ang nag-uumapaw sa puso, iyon ang lumalabas sa bibig. Ang ating mga sinasabi ay reflection ng ating totoong pagkatao. Ang ugali at pananalita ng tao ay nagpapakita ng tunay na kalagayan ng kanyang puso. Napakarami nating mga boses na naririnig sa social media. Tayo ay binabaha ng mga maling impormasyon tungkol sa mga tao at mga pangyayari. Paano natin mapapatunayan ang katotohanan? Tingnan natin ang kanilang mga gawa.

Tandaan natin ang sabi ni Hesus, ang mabuting puno ay hindi maaaring mamunga ng masama. Ang masamang puno ay hindi rin maaaring mamunga ng mabuti. Kung paanong nakikilala ang puno sa uri ng bunga nito, nakikilala ang isang tao sa kanyang mga gawa at salita na nag-uumapaw mula sa kanyang kalooban.

Mga kapanalig, anong klase ang ating ibinubunga na nakikita sa ating mga salita at gawa? Sikapin natin na sumasalamin ang ating ugali sa aral at turo ng ating Panginoong Hesus sapagka’t ito ang tunay na pagiging Kristiyano.

Panalangin: Panginoon, sa pamamagitan ng kabanal-banalang pangalan ni Mariang, aming Ina, dumudulog kami sa Iyo upang humingi ng lakas, saklolo at pag-asa laban sa pagsubok sa aming buhay. Amen.  

  • Sr. Aida Adriano, fsp l Daughters of St. Paul