Ebanghelyo: Lucas 6: 39-42
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang isang talinghaga: “Puwede nga kayang akayin ng isang bulag ang isa pang bulag? Di ba’t kapwa sila mahuhulog sa kanal? Hindi hihigit sa kanyang guro ang alagad. Magiging katulad ng kanyang guro ang ganap na alagad. Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Kapatid, pahintulutan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.”
Pagninilay:
“Bakit mo pinapansin ang puwing ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang troso sa iyong mata?” Kung i-imaginenin natin ang literal na pagsasalarawan ng verse na ito ay mukhang katawa-tawa ang itsura nung tao na may troso sa mata. Pero, mas kamangha-mangha na kahit may troso siya ay nakikita niya ang maliit na puwing sa mata ng kanyang kapwa. Ang troso na ito ay maaaring sumisimbolo sa mga bagay na kapuna-puna rin sa atin ngunit dahil masyado tayong nakatuon sa kapintasan ng iba, hindi natin namamalayan na tayo pala ang dapat na unang magbago.
Madaling pumuna ng pagkakamali o kasalanan ng ibang tao dahil ito yung mas nakikita natin. O di kaya, baka aware naman tayo sa mga pagkukulang natin pero siguro hindi rin natin kayang tanggapin ang mga ito. Hindi natin namamalayan na ang ‘di kaayaayang pananaw natin sa ating sarili ay napapasa na natin sa iba. Dahil frustrated tayo sa ating sarili, ganoon na rin ang nagiging turing natin sa iba. Hindi natin napapansin na mas hinahanap natin ang katangiang wala sila kesa sa mabuting ugali na nakikita na. Meron ding mga pagkakatong mabilis uminit ang ulo natin at madalas umiiksi ang pasensya sa kaunting pagkakamali ng ating kapwa, pero hindi natin nababatid na baka tayo pala dapat ang manahimik.
Hindi lang ito tungkol sa pagpuna sa pagkakamali ng iba ngunit naisip mo rin ba na baka ikaw ang may maiksing pasensya? Naisip mo rin bang ang mga frustrations at inconveniences na ito ay maaaring imbitasyon sa ‘yo ng Diyos na maging daluyan ka ng pagmamahal Niya sa ibang tao? Kasi baka nakakalimutan mo na alagad ka rin Niya. Kadalasan, it’s not about you, but how God is using you to be the light in a given situation. Madalas napapansin natin ang mali, ang pagkukulang, ngunit hindi ang taong kawangis ng Diyos na maaaring sa pagkakataong iyon ay pagod na rin — pisikal at emosyonal kaya’t nagkamali siya. Kapanalig, kung napapansin mong umiiksi ang iyong pasensiya, huminga at magpahinga. Sa bawat pagpuna, hanapin ang Diyos Ama. Tanungin ang sarili, paano ako makapagmamahal tulad Niya?
- Sr. Raine Santos, fsp l Daughters of St. Paul