Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 10, 2026 – Huwebes

Ebanghelyo: Lucas 6: 27-38

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinabi ko sa inyong mga nakikinig: mahalin n’yo ang inyong mga kaaway, gawan n’yo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain n’yo ang mga sumusumpa sa inyo, ipagdasal n’yo ang mga tumatrato sa inyo ng masama. Sa sumasampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila.

          Sa umaagaw ng iyong kamiseta, huwag mong itanggi ang iyong sando. Magbigay ka sa sinumang humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang hingin pa uli. Kaya gawin n’yo sa mga tao ang gusto ninyong gawin nila sa inyo. Kung minamahal ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Minamahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila. Kung ginagawa ninyo ang mabuti sa mga gumagawa nito sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Iyon din ang ginagawa ng mga makasalanan. Kung nagpapautang kayo sa sa mga inaasahan ninyong makapagbabayad, ano ang kahanga-hanga roon?

          Nagpapautang din ang mga makasalanan sa mga makasalanan para matanggap ang katumbas. Sa halip ay mahalin n’yo ang inyong mga kaaway; gumawa kayo ng mabuti at magpautang na walang inaasahang anuman. Kaya gagantimpalaan kayo ng malaki at magiging mga anak ng Kataas-taasan dahil butihin siya sa mga walang-utang-na-loob at masasama. Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag n’yong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin.

          Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan—isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”

Pagninilay:

Ibinahagi ni Cl. John Ervin Valerio ng Society of St. Paul ang ating pagninilay.

Mayroon ka bang mga kaaway? Mga taong hindi mo kasundo, o mga taong walang bilib sa iyo? Marahil may pinapagawa sa atin si Hesus sa Ebanghelyo ngayon tungkol dito.

Pamilyar ba kayo sa katagang madalas sabihin ng mga kabataan? Na kung mayroong gustong sumira sa ‘yo, and sabi nila: “Dedma sa basher.” Dedma lang, ‘wag pansinin, at huwag ‘wag magpaapekto. May punto naman iyan, upang protektahan ang sarili laban sa iba, self-preservation, ‘ika nga nila. Ngunit higit pa pala rito ang gusto ng Panginoon. Ang hamon sa atin, “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway” at “Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama.” Napakahirap, di po ba? Pero ang basehan ng pagtrato sa mga kaaway, ay hindi nakabase sa standards natin, hindi rin sa standards ng iba, kundi nasa standards ng Diyos. At ang standard ng Diyos, ay hindi lamang normal, hindi lang ordinary, kundi extraordinary, sobra pa sa sapat. Pantay kahit sa mga masasamang tao. Kaya ang maka-Kristyanong paraan, ‘wag dedmahin, kundi mahalin ang bashers, at ipagpasa-Diyos sila.

May mga pagkakataon din na hindi tayo naging mabuti sa ating kapwa at sa Diyos, pero mahal pa rin tayo ng Diyos. Pansinin natin, lahat tayo ay sinisikatan ng araw, lahat nakakaramdam ng ulan, at lahat nakakalanghap ng hangin, mabuti man o masama. Hingin natin ang biyaya ng Diyos na maging maunawain sa ating kapwa.

Tayo ay manalangin. Panginoon, pagkalooban n’yo po kami ng pusong katulad ng sa inyo, maging mapagpasensya, mapagpatawad, mapagpakumbaba at magpagmahal sa kapwa. Amen.

  • Cl. John Ervin Valerio, ssp l Society of St. Paul