Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 9, 2026 โ€“ Miyerkules

Ebanghelyo:  Lucas 6: 20-26

Tumingala si Hesus sa kanyang mga alagad at sinabi: โ€œMapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat bubusugin kayo. Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon, sapagkat tatawa kayo. Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa Mga Propeta. Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa! Sawimpalad kayong mga busog ngayon, sapagkat magugutom kayo. Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo at iiyak! Sawimapad kayo kapag pinag-uusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao dahil ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.โ€ 

 

Pagninilay:

Sa Ebanghelyo ngayon, ipinapakita ni Hesus ang tunay na sukatan ng pagpapala. Sa mata ng mundo, pinagpapala ang mayaman, makapangyarihan, at laging masaya. Ngunit sa mata ng Diyos, pinagpapala ang mga dukha, nagugutom, umiiyak at inuusig dahil sa Kanya. Hindi ibig sabihin na ang kahirapan o pagdurusa ay mabuti sa sarili nito. Ang ipinapaalaala ni Hesus na ang pusong lubos na nagtitiwala sa Diyos sa gitna ng kakulangan at pagsubok ang tunay na pinagpala. Hindi nawawalan ng pag-asa ang taong kumakapit sa Panginoon, sapagkat alam niyang ang Diyos ang kanyang tunay na kayamanan. Huwag sanang maging dahilan ang kayamanan upang makalimot tayo sa Diyos at maging manhid sa pangangailangan ng kapwa.

Mga kapanalig, suriin natin ang ating mga puso. Ano ang nagbibigay sa atin ng tunay sa seguridad? Ang ating mga ari-arian ba, tagumpay, at papuri ng tao, o ang ating matatag na relasyon sa Diyos? Hindi nakasalalay ang tunay na kaligayahan sa dami ng ating tinatamasa, kundi sa lalim ng ating pagtitiwala sa Panginoon

Panalangin: Panginoong Hesus, turuan Mo po akong hanapin ang mga pagpapalang nagmumula sa Iyo. Huwag Mong hayaang mahumaling ang aking puso sa mga bagay na lumilipas, kundi gawin Mo akong mayaman sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Bigyan Mo po ako ng pusong marunong magbahagi, magtiwala at manatiling tapat sa Iyo sa panahon ng ligaya at pagsubok. Amen.

  • Sr. Edith Ledda, fsp l Daughters of St. Paul