Ebanghelyo: Lucas 7: 31-35
Sinabi ni Hesus: “Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan, at sa ano sila katulad? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plawta para sa inyo at hindi kayo sumayaw, at nang umawit naman kami ng punebre, ayaw naman ninyong umiyak.’ Ganito rin naman ang nangyari. Dumating si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay ni umiinom ng alak, at ang sabi ninyo’y ‘Nasisiraan siya ng bait!’ Dumating naman ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at sinabi naman ninyong ‘Narito ang taong matakaw at lasenggo, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan.’ Gayon pa ma’y nakilala ng kanyang mga anak ang Karunungan.”
Pagninilay
Sala sa init, sala sa lamig”. Ganito ko nais ilarawan ang mga tao sa Mabuting Balita ngayon. Mahirap pakisamahan o pasayahin ang mga taong “sala sa init, sala sa lamig” dahil lagi silang makakakita ng mali sa anumang ginagawa mo. In short, mahirap silang makuntento.
Ramdam natin ang lungkot at panghihinayang ni Jesus sa sinabi ng mga tao. Dumating nga naman si Juan Bautista, na hindi kumakain ng tinapay at umiinom ng alak, at sabi ng mga tao, “Siya’y inaalihan ng demonyo” (verse 33). Subalit nang dumating si Jesus na kumakain at umiinom, sabi naman nila, “Matakaw”. Kahit ano pang gawin ni Jesus, hindi rin naman sila maniniwala dahil ang akala nila, isang ordinaryong tao lamang siya gaya nila. Hindi siya pasado sa standard ng Mesiyas na kanilang hinihintay. Kapanalig, minsan kasi nakakapaghusga tayo sa ating kapwa base sa ating mga biases at prejudices. Kadalasan nga parang mas mataas pa ang ating pamantayan kaysa sa pamantayan ng Diyos. Ang mga prejudices na ito ang humahadlang upang mamangha tayo sa mga ginagawa ng Diyos sa ating buhay. Ito rin ang pumipigil sa atin upang bigyan ng pagkakataon at magtiwala sa kakayahan ng ating kapwa. Kapanalig, hinahamon tayo ng Mabuting Balita ngayon na maging bukas ang puso at isipan sa mabubuting bagay na inilaan ng Diyos para sa atin, kahit na napaka-ordinaryo nito sa ating paningin.
- Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul