Ebanghelyo: Lucas 7: 36-50
Inanyayahan si Hesus ng isa sa mga Pariseo na makisalo sa kanya kaya pumasok siya sa bahay ng Pariseo at humilig sa sopa para kumain. Ngayon, may isang babae sa bayang iyon na itinuturing na makasalanan. Nang malaman nito na si Hesus ay nasa hapag sa bahay ng Pariseo, nagdala ito ng pabangong nasa sisidlang alabastro. Tumayo siya sa likuran, sa may paanan ni Hesus at umiyak. Tumulo ang kanyang mga luha sa mga paa ni Hesus at pinunasan niya ng kanyang buhok, at hinagkan at pinahiran ng pabango.
Nang makita ito ng Pariseong kumumbida naisip nito: “Kung Propeta ang taong ito, malalaman niya kung sino ang babaeng ito at anong uri ng tao ang humihipo sa kanya—isa ngang makasalanan!” Ngunit nagsalita sa kanya si Hesus: “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” “Guro, magsalita ka.” “May dalawang may utang sa isang taong nagpapautang. Limandaang salaping pilak ang utang ng isa at limampu naman ang sa isa pa. Ngunit wala silang maibayad, kaya kapwa niya sila pinatawad. Ngayon, sino sa kanila ang magmamahal sa kanya nang higit?” “Sa palagay ko’y ang pinatawad niya ng mas malaki.” “Tama ang hatol mo.” At paglingon niya sa babae, sinabi niya kay Simon: “Nakikita mo ba ang babaeng ito?
Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa ngunit binasa niya ng kanyang luha ang aking paa at pinunasan ito ng kanyang buhok. Hindi mo ako hinagkan ngunit mula nang pumasok siya’y wala nang tigil ang kahahalik niya sa aking mga paa. Kaya sinasabi ko sa iyo, pinatatawad na ang marami niyang kasalanan dahil nagmahal siya nang malaki. Ngunit nagmamahal lamang ng kaunti ang pinatatawad ng kaunti.” At sinabi naman ni Hesus sa babae, “Pinatatawad ang iyong mga kasalanan.” At nagsimulang mag-isip ang mga nasa hapag. “At nangangahas ang taong ito na magpatawad ng mga kasalanan.” Ngunit sinabi ni Hesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya, Humayo ka sa kapayapaan.”
Pagninilay:
Past is past! Ika nga nila, hindi ka lamang nabubuhay sa nakaraan kundi pati na rin sa kasalukuyan at kinabukasan. Sa Ebanghelyo, ipinakita ni Hesus na ang awa ng Diyos ay hindi lamang nakabatay sa nakaraan ng tao. Sa paglapit ng babaeng makasalanan kay Hesus sa kabila ng matinding panghuhusga sa kanya, nakita naman ni Hesus ang kanyang pusong lubhang nagsisisi. Ang kanyang mga luha ang tanda ng isang pusong tunay na nagbabalik-loob. Sinabi ni Hesus: “Pinatawad na ang marami niyang kasalanan sapagkat siya ay umibig nang lubos.” Paalala ito sa atin na ang mga taong nakaranas ng tunay na awa ang siyang nakauunawa kung paano tunay na magmahal. Mga kapanalig, minsan, katulad ng Pariseo, mas mabilis sa atin ang magscreenshot ng pagkakamali ng isang tao kaysa umunawa. Ito ang hamon sa atin ng ebanghelyo: ang magkaroon ng mapagpatawad at mapagmahal na puso. Sapagkat kung tunay nating naranasan ang awa ng Diyos, dapat ding maging tahanan ng awa ang ating puso para sa iba.
Cl. Melvin Dela Cruz, ssp l Society of St. Paul