Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 18, 2026 – Biyernes

Ebanghelyo: Lucas 8: 1-3

Naglibot si Hesus sa bawat lunsod at bayan na nangangaral at ibinabalita ang Kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa at ilang mga babae na pinagaling sa masasamang espiritu at mga karamdaman. Si Maria na tinaguriang Magdalena, na nilisan ng pitong demonyo, si Juana na asawa ni Kusa na katiwala ni Herodes, at si Susana at iba pang naglilingkod sa kanila mula sa kanilang kaya.

Pagninilay:

Sa Mabuting Balita ngayon, hindi lamang ang Labindalawang Apostol ang kasama ni Hesus sa Kanyang misyon. Binanggit din ang ilang kababaihan; sina Maria Magdalena, Juana, Susana, at marami pang iba. Tahimik silang sumuporta sa Kanya at sa mga alagad sa pamamagitan ng kanilang panahon, kakayahan, at sariling yaman. Hindi sila ang center of attention, pero naging mahalagang bahagi sila ng pagpapalaganap ng Magandang Balita.

Ganito rin ang buhay ni San Jose ng Cupertino. Hindi siya kinilala dahil sa talino o husay sa pag-aaral. Sa katunayan, madalas siyang maliitin at isipin na walang gaanong maiaambag. Ngunit hindi ang kanyang kakulangan kundi ang kanyang mapagpa-kumbabang puso ang nakita ng Diyos. Dahil sa kanyang malalim na pagmamahal sa Diyos, naging dakila siya sa paraang hindi inaasahan ng mundo.

Madalas nating isipin na kailangan nating maging pinakamahusay, pinakamatalino, o pinakakilala upang makagawa ng kabutihan. Ngunit ipinapaalala sa atin ng Mabuting Balita at ng buhay ni San Jose ng Cupertino na higit na tumitingin ang Panginoon sa pusong handang maglingkod kaysa sa taong naghahanap ng papuri.

Marami sa ating mga ginagawa araw-araw ang tila walang nakakakita: ang tahimik na pagtulong, ang tapat na pagtupad sa tungkulin, ang pananalangin para sa iba, ang simpleng kabutihang walang hinihintay na kapalit. Sa mata ng Diyos, walang pag-ibig na maliit at walang paglilingkod na nasasayang.

Ngayong araw, tanungin natin ang ating sarili: Ano ang maiaalay ko sa misyon ni Hesus? Maaaring hindi ito malaking halaga o pambihirang talento. Marahil oras, malasakit, mabuting salita, o isang pusong laging handang tumulong.

Mga kapanalig, hindi naghahanap ang Diyos ng mga taong perpekto kundi ng mga pusong mapagpakumbaba at handang magsabi, tulad ni San Jose ng Cupertino: “Panginoon, gamitin po Ninyo ako.” At sa mga pusong tulad nito, patuloy na isinusulong ng Diyos ang Kanyang Kaharian.

  • Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul