Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 19, 2026 – Sabado

Ebanghelyo: Lucas 8: 4-15

Napakakapal ng tao ang nagkakatipon dahil pinupuntahan si Hesus ng mga tao mula sa kani-kanilang mga bayan. Kaya nagsalita siya sa talinghaga: “Lumabas ang manghahasik para maghasik ng kanyang binhi. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan at tinapak-tapakan at kinain ng mga ibon sa Langit. Nahulog ang iba sa batuhan, at nang sumibol ay nalanta dahil sa kawalan ng halumigmig. Nahulog ang iba pang buto sa gitna ng tinikan, at sa kanilang paglaki, sinikil ito ng mga tinik. Nahulog naman ang iba pa sa matabang lupa at nang sumibol ay nagbunga ng tig-iisang daan”   Pagkasabi nito’y sumigaw siya: “Makinig ang may tainga.” At tinanong siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito. Kayat sinabi niya: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Diyos, at sa iba nama’y sa mga talinghaga lamang para tumingin sila at hindi makakita, makinig at ‘di makaintindi.      Ito ang kahulugan ng talinghaga. Ang binhi ang Salita ng Diyos. Ang mga nasa tabi ng daan ang mga nakakarinig nito subalit agad namang dumarating ang diyablo; inagaw niya ang salita mula sa kanilang isipan upang huwag silang manalig na maligtas. Ang mga nasa batuhan ang mga nakakarinig na masayang tinatanggap ang salita. Ngunit wala silang ugat kaya sandali silang nananalig at tumitiwalag naman sa panahon ng tukso. Ang nahulog naman sa mga tinikan ay ang mga nakakarinig na sa pagpapatuloy nila’y sinikil ng mga kabalisahan, ng kayamanan at ng mga kasiyahan sa buhay kaya hindi sila nakapagbunga. Ang nahulog naman sa matabang lupa ay ang mga nakakarinig sa salita at iniingatan ito nang may dakila’t mabuting loob at nagbubunga sila sa pagtagal.”

Pagninilay:

Sa talinhaga ng manghahasik, ang binhi ang Salita ng Diyos: buhay, makapangyarihan, at laging may kakayahang magbunga. Ang lupa naman ay sumasagisag sa ating puso. Minsan ang ating puso at matigas dahil sa sama ng loob, pagod, o kawalan ng panahon sa Diyos. Minsan, masaya nating tinatanggap ang Salita ng Diyos, ngunit kapag dumating ang pagsubok, madaling nanghihina ang ating pananampalataya. Minsan naman, parang lupang may tinik, kung saan ang mga alalahanin, pagnanais sa kayamanan, at mga makamundong hangarin ang sumasakal sa Salita ng Diyos. Ang hangarin ng Diyos ay gawin tayong mabuting lupa, pusong bukas, mapagkumbaba at handang makinig. Ang mabuting lupa ay hindi lamang nakikinig sa Salita ng Diyos; iniingatan ito, isinasabuhay at matiyagang pinagbubunga sa pamamagitan ng pagmamahal, paglilingkod at katapatan sa kalooban ng Diyos. Maaari nating tanungin ang ating sarili. Anong klase ng lupa ba ako?

Panalangin: Mula sa Iyong biyaya at grasya, Panginoon, gawin Mo po akong bukas sa Iyong Salita. Marapatin Mo po akong maging mabuting lupa na magsasabuhay ng Iyong Salita. Amen. 

  • Sr. Edith Ledda, fsp l Daughters of St. Paul