Ebanghelyo: Mateo 20: 1-16a
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw at pinapuntan niya sila sa ubasan.
Lumabas din siya ng mag-iikasyam ng umaga at nakita niya ang ibang mga nakatayo sa plaza na walang ginagawa. Kaya’t sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat,’ at pumunta sila. Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya. Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang.
Kaya’t sinabi niya sa kanila, ‘Bakit kayo nakatayo lamang at maghapong walang ginagawa?’ Sumagot sila, ‘Dahil walang umupa sa amin.’ ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’ Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala, ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-iisang dinario. Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila itatanggap sila ng mas higit pa, ngunit tumanggap din sila ng tig-iisang dinario.
Kaya’t pagka tanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari. Ang sabi nila, ‘Isang oras lamang ang trabaho ng mga huling ito at ipinapantay mo sila ngayon sa amin na maghapong nagtrabaho sa init ng araw?’ Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila, ‘Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang dinario isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa’yo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa’yo.
Wala ba akong karapatan gawin ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit? Dahil mawain ako? Kaya mauna na ang huli at mahuhuli ang una.'”
Pagninilay:
Namumuhay tayo dito sa mundo na palaging may competition: sa sports, sa edukasyon at lalo na sa negosyo, malakas ang kumpetisyon.
Mga kapanalig, hindi naman masama ang kumpetisyon kapag ito ay “healthy competition.” Ibig sabihin dapat pag-igihan pa natin para sa ikabubuti ng ating sarili at para sa ating kapwa. Nagiging masama lamang ang kumpetisyon kung nababahiran na ito ng inggit. Ganito ang nangyari sa ebanghelyo ngayon. Naiingit ang mga naunang manggagawa sapagkat pareho lamang ang sinahod nila sa mga huli nang nagtrabaho kahit buong araw silang nagtrabaho.
Nais iparating ni Hesus sa mabuting balita ngayon ang mensahe na kailanman iba ang pamamaraan ng pagkilos ng Diyos kaysa sa pagkilos nating mga tao. Nabiyayaan tayo ng Diyos sa iba’t ibang paraan. Tinuturuan tayo ng ebanghelyo na mas dapat maniwala tayo na nabiyayaan tayo kaysa sa sinuwerte lamang.
Kapag sinabi nating swerte ang isang tao, ibig sabihin ang iba ay minalas. Sa kabilang banda, ang ibig sabihin ng grasya o biyaya ng Dios ay kahit hindi ka karapat-dapat, ibinibigay pa rin sa ‘yo ng Diyos ang pagpapala.
Mga kapanalig, minsan ganito rin tayo. Madalas nakikita natin ang blessings ng ibang tao kaysa sa blessings na natatanggap natin mula sa Diyos. Kung nakikita natin na isa itong kumpetisyon, dyan tayo nagkakamali. Isang insulto ito sa Diyos sapagkat mas tinitingnan natin ang biyaya ng iba kaysa sa biyaya na natatanggap natin. Walang swerte o malas, dahil lahat tayo ay biniyayaan ng Diyos sa iba’t ibang pamamaraan.
Mga kapanalig, imbes na kainggitan natin ang blessings ng iba, tingnan natin, bilangin at ipagpasalamat ang mga blessings na natanggap natin mula sa Dios. Walang swerte o malas sa mata ng Dios, dahil lahat tayo ay biniyayaan niya sa ibat ibang pamamaraan. Tunay ngang mabuti at mapagbigay ang Dios.
- Fr. Sebastian Gadia, ssp l Daughters of St. Paul