Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 21, 2026 – Monday

Ebanghelyo: : Mateo 9: 9-13

Sa paglalakad ni Hesus, nakita niyang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito, “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan siya. At habang nasa hapag si Hesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Hesus at sa kanyang mga alagad.

          Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit kumakain kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Hesus, sinabi niya, “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor, kundi ang mga may sakit. Sige, matutunan sana ninyo ang kahulugan ng awa ang gusto ko, hindi handog. Hindi ako pummarito para tawagin ang mabubuti, kundi ang mga makasalanan.”

 

Pagninilay:

May kinokolekta ka ba? Laruan, sapatos o damit, mga savings o reward points, mga titulo at medalya, mga followers at likes. Kadalasan sa buhay natin ang ating tanong ay: Ano pa ang puwede kong makuha?”

Yan din ang naging buhay ni Mateo: isa syang  kolektor. Ng buwis. Nakaupo siya sa kanyang puwesto at araw-araw, may kinukuha mula sa mga taong dumaraan.

Pero isang araw, si Hesus naman ang dumaan. Tiningnan siya at sinabi: “Sumunod ka sa akin.” At sabi ng Mabuting Balita, tumayo si Mateo at sumunod.

At sa sandaling ito ay nabaliktad ang direksyon ng buong buhay niya.

Bago niya makilala si Kristo, ang tanong ng buhay niya ay: “Ano ang makukuha ko?” Pagkatapos niyang makilala si Kristo, naging: “Ano ang maibibigay ko?”

Ang collector ay naging apostol. Ang dating kumukuha sa tao ay naging tagapagbigay ng Mabuting Balita. Ang dating naghihintay kung ano ang dadalhin sa kanyang mesa ay bumangon upang dalhin si Kristo sa iba.

Ganun din sana tayo. Nakatanggap tayo ng awa—may maibibigay tayong awa. Nakatanggap tayo ng pagkakataon—maaari rin tayong magbukas ng pagkakataon para sa iba. Nakatanggap tayo ng kaalaman, talento, oras, kabuhayan—hindi lang para dumami ang ating hawak, kundi para may maibahagi tayo sa iba.

Tanungin natin ang ating mga sarili: ang aking buhay puro ba ako kolekta nang kolekta, o unti-unti na ring nagiging regalo sa iba ang buhay ko?

Dahil ang tunay na pagpapala ay hindi lang iyong natanggap natin mula sa Diyos. Kundi sa mga bagay na nagawa nating ibigay dahil tayo ay kanyang pinagpala.

Tayoy’y magdasal:

Panginoong Hesus, salamat sa lahat ng biyayang aming natanggap. Turuan Mo kaming huwag lamang mag-ipon para sa sarili, kundi gawing handog sa iba ang aming buhay. Amen.

  • Fr. Albert Garong, ssp l Society of St. Paul