Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 22, 2026 – Martes

Ebanghelyo: Lucas 8: 19-21

Pinuntahan si Hesus ng kanyang ina at mga kapatid pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya: “Nakatayo sa labas ang iyong ina at mga kapatid, at gusto kang makita.” Sumagot siya at sinabi sa kanila: “Ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at nagsasagawa nito, sila ang aking ina at aking mga kapatid.”

Pagninilay:

Isinulat ni Sr. Terry Burias ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Kung iisipin natin, lahat tayo’y nagnanais mapabilang sa isang pangkat o ‘yun bang maging “in” ka sa grupo. Nagnanasa tayong matanggap ng ating pamilya, mga kaibigan at lahat ng taong nakapaligid sa atin.

Sa ebanghelyo ngayon, dumating ang Ina at mga kapatid, o mga kamag-anak ni Hesus. Gusto nila siyang makita at makausap, pero marami ang nakapaligid kay Hesus. Kaya’t sinabi sa Kanya, “Nandito ang pamilya mo.” At tumingin si Hesus sa mga taong nakikinig at sinabi, ”Ang aking Ina at mga kapatid ay ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tumutupad nito.”

Hindi Niya binabalewala ang pamilya niya. Pinalawak lang ni Hesus ang kahulugan ng pamilya. Sa pamilya ng Diyos, lahat ay may puwang, lahat ay “in” basta’t bukas ang puso sa pakikinig, at bukas ang mga kamay sa pagsunod sa kalooban ng Diyos.

Tunay na si Maria ang ating modelo. Siya ang unang nakinig at tumupad sa kalooban ng Diyos. Walang reklamo, walang kundisyon. Sinabi niya, “Narito ang alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ayon sa Kanyang Salita.” Sa pamilya ng Diyos ang pamantayan ay pagsunod sa kalooban Niya at si Maria ang pinakamagandang halimbawa natin… Panalangin: Panginoon, nawa’y matularan namin si Maria, aming Ina, na maging bukas ang aming puso sa Iyong Salita at maisakatuparan ito ayon sa Iyong kalooban tuwina. Amen.

  • Sr. Terry Burias, fsp l Daughters of St. Paul