Ebanghelyo: Lucas 9: 1-6
Tinawag ni Hesus ang Labindalawa at binigyan sila ng lakas at kapangyarihan para supilin ang lahat ng demonyo at magpagaling ng mga sakit. Sinugo niya sila upang ipahayag ang Kaharian ng Diyos at magbigay-lunas. Sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglakad, ni tungkod, ni supot, ni tinapay, ni salapi; huwag kayong magkaroon ni tigalawang bihisan. Sa alinmang bahay kayo makituloy, doon kayo tumigil hanggang sa pag-alis ninyo. Kung may hindi tatanggap sa inyo, umalis kayo sa bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal laban sa kanila.” Kaya nga lumabas sila dumaan sa lahat ng bayan na nangangaral at nagpapagaling saanman.
Pagninilay:
Sa araw na ito, ginugunita natin ang buhay at kabanalan ni San Pio ng Pietrelcina, isang Pransiskanong Cappuccino, na nagbigay inspirasyon sa madami dahil sa kanyang pagmamahal kay Hesus at sa ating Mahal na Ina. Nakakapukaw ng atensyon ang madaming milagro mula noon at hanggang ngayon sa pamamagitan ng kanyang mga panalangin. Madaming mapeligrong sakit ang nagamot, madami ang mga natugunan ng tulong, madaming nabago ang buhay dahil madami ang dumulog sa kanya. Ngunit natutuwa kaya siya sa mga bagay na ito na tila tinutuon natin ang lahat kay Pio? Alam ko na hindi. Dahil isa ang tiyak sa kanya, ang lahat ng ito, ang lahat ng mga milagro at panalangin, naging possible dahil sa kamay ng Diyos na nag-utos sa kanya at sumasakanya. Not his power but to God’s power at work in him.
Narinig natin sa ating Mabuting Balita na isinugo ni Hesus ang kanyang mga alagad na may kapangyarihang magpalayas ng demonyo at magpagaling ng mga karamdaman. Hindi niya isinugo ang mga ito na dala lamang ang kanilang galing at husay – they were sent with power from him, with the command from him, and with love from him.
Mga kapanalig, hindi tayo susugod sa buhay na ito para gumawa ng milagro o gawain ng Diyos nang tayo lang. Just like Padre Pio, we do such things because God has empowered us, God has blessed us, God has loved us. Kung mayroon mang dahilan bakit may milagro, may natutugunan na dasal, bakit may pagpapala, hindi dahil magaling si Padre Pio; hindi dahil magaling ang kura paroko ninyo; hindi dahil mahusay tayo. Miracles will unfold because God has empowered and God has loved us. Nang dahil sa pagpapalakas at pag-ibig ng Diyos, may lalakas, may titibay, may mabubuhay, may tutuloy sa buhay nang puno ng pag-asa.
- Fr. Viel Bautista ng Manila Cathedral