Ebanghelyo: Lucas 9: 7-9
Nabalitaan naman ng tetrarkang si Herodes ang lahat ng pangyayaring ito at litung-lito siya dahil may nagsasabing nabuhay mula sa mga patay si Juan. Sinabi naman ng iba na nagpakita si Elias, at iba pa na isa sa Mga Propeta noon ang bumangon. At sinabi ni Herodes: “Pinapugutan ko na si Juan; sino nga kaya itong nababalitaan kong gumagawa ng mga iyon?” Kaya sinikap niyang makita siya.
Pagninilay:
Nabagabag si Herodes nang marami siyang narinig tungkol kay Hesus dahil hindi niya alam kung sino talaga si Hesus. Kaya sinabi niya: “Sino kaya ang lalaking ito?” Gusto niyang makita si Hesus, hindi dahil nais niyang maging alagad. Nais lang niyang masiyahan ang kanyang pag-uusisa. Hindi ba’t madalas ganito rin tayo? Kilala natin si Hesus sa mga kuwento, homiliya, libro, o social media. Marami tayong alam tungkol sa Kanya, ngunit ibang usapin ang tunay na pagkilala sa Kanya. Posibleng punô ang ating isip ng kaalaman tungkol kay Hesus, ngunit malayo pa rin ang ating puso sa Kanya. Hindi lamang dahil sa balita tungkol kay Hesus ang pagkabagabag ni Herodes. Sa kaibuturan ng kanyang puso, alam niyang may sugat siyang hindi pa hinaharap. Siya ang nagpapatay kay Juan Bautista, at hindi siya tinigilan ng kanyang konsensiya. Minsan, ang ingay sa ating puso ay hindi dahil wala ang Diyos, kundi dahil may katotohanang ayaw nating harapin.
Marami ring “Herodes” sa ating panahon. Nais nating makita si Hesus kapag may problema, kapag may himalang hinihintay, o kapag nais nating masagot ang ating mga tanong. Ngunit hindi bunga ng simpleng pag-uusisa ang tunay na pakikipagtagpo kay Hesus. Bunga ito ng pusong handang magbago. Hindi lamang, “Sino si Hesus?” ang tanong sa Mabuting Balita ngayon kundi, “Sino si Hesus para sa akin?” Isang inspirasyon lang ba Siya, o Siya ba ang Panginoong handa kong sundin kahit hindi madali? Mga kapanalig, ngayong araw, hilingin natin ang biyaya ng isang pusong tapat. Huwag nating hanapin si Hesus dahil lamang sa ating pag-uusisa. Hanapin natin Siya upang makilala, mahalin, at sundan siya. Sapagkat kapag tunay nating nakilala si Kristo, hindi lamang ang ating isip ang nababago. Siya ang magbibigay ng bagong direksyon at pag-asa sa ating buong buhay.
- Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul