Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 25, 2026 – Biyernes

Ebanghelyo: Lucas 9: 18-22

Minsan, mag-isang nagdarasal si Hesus at naroon din ang mga alagad. Tinanong niya sila, “Sino raw ako ayon sa sabi ng mga tao?” “Si Juan Bautista raw. May iba namang nagsasabing ikaw si Elias at may iba pang nagsasabing na isang propeta noong una ang nabuhay.” “Ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro, “Ang Mesiyas ng Diyos.” At inutusan sila ni Hesus na huwag sabihin ito kaninuman. Sinabi nga ni Hesus, “Kailangang magtiis ng marami ang anak ng tao. Itatakwil nga siya ng mga matatanda ng bayan, ng mga punong pari at ng mga guro ng batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw.”

 

Pagninilay:

Minsan may paring nagkuwento tungkol sa kanyang pilgrimage sa Holy Land. Napakagaling daw mag-explain ang kanilang tour guide. Alam na alam daw nito ang mga pangyayari sa lugar na dinaanan ni Hesus, kaya lang, nang tanungin siya kung naniniwala ba siya kay Hesus, ang tugon daw ng tour guide ay “It’s just my job, Sir.” Trabaho lang pala, walang personalan. Hindi naman kasi requirement ang pananampalataya sa kanyang trabaho bilang tour guide. Kapanalig, sana hindi ka gaya niya. ‘Yon ba’ng nakabase lamang ang pagkakakilala kay Hesus sa mga nababasa at naririnig sa mga katekista, mga magulang o pari. Magandang umpisa ’yon. Pero gaya sa Mabuting Balita ngayon, hindi sapat para kay Hesus ang tugon na nagmula sa narinig natin sa iba. Kailangan din nating sagutin ang Kanyang tanong na: “Sa ganang inyo, sino ba ako?” Nanga-ngailangan ito ng very personal answer. Maaaring mula sa mga natutunan natin, subalit kailangan, kapag sumagot tayo kay Hesus, ay may kasamang pananampalataya at paninindigan. ‘Yung sagot na naglalarawan kung anong relasyon ang meron tayo kay Hesus. Kung naniniwala tayo na si Hesus ang Diyos, ang tanong diyan, hinahayaan ba natin siyang maging Diyos ng buhay natin? Do we allow him to rule over us? Or do we confess that Hesus is our God, but we do things our way na malayo sa mga turo ni Hesus? Kapanalig, sino ba si Hesus para sa iyo? Hindi ’yong trabaho lang! Dapat personalan! Yung sagot na kaya nating panindigan at patunayan!

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul