Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 28, 2026 – Lunes

Ebanghelyo: Lucas 9:46-50

Nangyari na ikinabahala ng mga alagad kung sino nga kaya sa kanilang pinakadakila. Alam ni Hesus ang pinagtatalunan nila sa kanilang isipan kaya kumuha siya ng isang bata at pinatayo sa tabi nila. At sinabi niya sa kanila, “Tumatanggap sa akin ang tumatanggap sa batang ito sa ngalan ko at tumatanggap sa nagsugo sa akin ang tumatanggap sa akin. At isa pa, ang matagpuan pinakamaliit sa inyong lahat ang siyang dakila.” At nagsalita si Juan, “Guro, may nakita kaming nagpapalayas ang demonyo sa ngalan mo. Pero pinagbawalan namin siya dahil hindi siya sumusunod na kasama namin.” Ngunit sinabi ni Hesus sa kanya, “Huwag ninyo siyang pagbawalan dahil panig sa inyo ang hindi laban sa inyo.”

Pagninilay:

Nagbahagi si Sr. Judith Ma Le ng Daughters of St. Paul sa pagninilay. Sa Ebanghelyo ngayon, malinaw ang kaibahan ng kaisipan ng tao at kaisipan ng Diyos. Nang magtanong ang mga alagad kung “Sino ang pinakadakila?” binaligtad ni Hesus ang kanilang pagkaunawa sa kadakilaan: “Ang pinakamaliit sa inyong lahat ang pinaka-dakila.” Nang sabihin nila, “Hindi siya sumusunod sa atin,” sumagot si Hesus, “Huwag mo siyang pigilan; sapagkat ang sinumang hindi laban sa iyo ay para sa iyo.”

Ang pinagkaka-abalahan ng mga disipulo ay kadakilaan, katayuan, at kung saan sila kasali. Pero ang itinuro ni Hesus sa kanila ay pagpapakumbaba, pagtanggap, at pagiging bukas. Hindi lang niya itinuwid ang kanilang mga salita o kilos. Dahil alam niya ang kanilang kalooban at pag-iisip, inaanyayahan Niya sila sa isang mas malalim na pagbabago: ang pagbabago ng kanilang pag-iisip at pananaw.

Inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo na suriin ang ating kaisipan at mga pananaw. Ang pinaniniwalaan natin ang humuhubog sa ating pananaw, at ang ating pananaw ang humuhubog sa paraan ng ating pamumuhay. Kapag nakasentro ang puso sa pagkilala at paghahambing, madaling maging kakumpitensya ang kapwa. Ngunit kapag hinubog ni Hesus ang puso, nagkakaroon ng puwang para sa pagpapakumbaba, pagtanggap, at pasasalamat sa kabutihang ginagawa ng Diyos sa pamamagitan ng iba.

Ang panawagan ay hindi lamang kumilos nang naiiba, kundi mag-isip nang naiiba, upang hayaang pabanalin ni Hesus ang ating isipan at baguhin niya ang ating pananaw. Nang sa gayon, unti-unti tayong matututong makita ang mga tao at mga sitwasyon sa Kanyang mga mata.

Panginoong Hesus, alam Mo ang aming kalooban at isipan. Alam mo kung ano ang aming pinaniniwalaan, kung ano ang gusto namin, at kung paano namin nakikita ang aming sarili at ang iba. Panibaguhin mo ang mga nakatagong lugar sa aming isipan at puso. Palayain kami mula sa paghahambing, sa pagnanais na makilala, humatol, at makitid na pananaw. Nawa’y unti-unting maging katulad ng sa Iyo ang aming iniisip, pananaw, at mga gawa. Amen.

  • Sr. Judith Ma le, fsp l Daughters of St. Paul