Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 27, 2026 – Linggo

Ebanghelyo: Mateo 21: 28-32

SNagpatuloy si Hesus: May dalawang anak ang isang tao. Lumapit siya sa isa sa at sinabi: ‘Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho sa aking ubasan.’ Sumagit ang anak: ‘Ayoko.’ Ngunit pagkatapos ay nagbagong-isip siya at pumunta. Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang anak: ‘Opo.’ Pero hindi siya pumunta.”

        At tinanong sila ni Hesus: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?” Sumagot sila: “Ang una.” “Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa Kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutihan subalit hindi kayo naniwala sa kanya, samantalang naniwala naman ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Nakita n’yo ito at hindi kayo nagsisi o naniwala sa kanya.”

Pagninilay:

Ano ang mas mahalaga: ang sinasabi o ang ginagawa natin? Minsan, napakadali nating magsabi ng “Opo,” “Sige,” o “Gagawin ko.” Pero alam naman natin na may pagkakataong maganda ang ating sinasabi, pero hindi naman ito nasusundan ng gawa. Halimbawa, ilang beses na nating sinabi sa sarili “Magbabago na ako” “Magpapatawad na ako” o “Mas magiging mabuti na ako.” Pero pagdating sa totoong sitwasyon, bumabalik pa rin tayo sa dati.

Ganito ang ipinapakita ni Hesus sa Ebanghelyo. May isang ama na nag-utos sa kanyang dalawang anak na magtrabaho sa ubasan. Ang una ay nagsabing ayaw niya, ngunit kalaunan ay nagbago ng isip at sumunod. Ang ikalawa naman ay nagsabing “Opo,” ngunit hindi naman ginawa ang sinabi niya. Kaya malinaw ang sinasabi ni Hesus: mas mahalaga ang pagsunod na nakikita sa gawa kaysa sa pangakong nananatili sa salita. Hindi ibig sabihin nito na hindi mahalaga ang ating mga salita. Mahalaga ang sinabi nating “Opo” sa Diyos. Pero ang “Opo” ay nagiging tunay lamang kapag nakikita ito sa ating buhay. Sapagkat madaling sabihin na mahal natin ang Diyos, pero makikita ito sa paraan ng pagmamahal natin sa kapwa. Madaling sabihin na nagpapatawad tayo, pero makikita ito kapag dumating ang pagkakataong kailangan talaga nating magpatawad.

Kaya magandang itanong sa sarili: Ang “Opo” ko ba sa Diyos ay nasa salita lamang, o nakikita rin sa paraan ng aking pamumuhay? Dahil sa huli, hindi lamang mahalaga kung ano ang sinabi natin sa Diyos, kundi kung paano natin isinabuhay ang ating sinabi.

Fr. Ronel Delos Reyes, ssp l Society of St. Paul