Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 6, 2026 – Linggo

Ebanghelyo: Mateo 18: 15-20

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo. Para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin s’ya makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano. Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian n’yo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan n’yo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit. Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Pangalan ko, kapiling nila ako.”

Pagninilay:

Ibinahagi ni Fr. Viel Bautista ng Manila Cathedral ang ating pagninilay. Sa madaming bagay natin pwedeng makilala kung anong uri ng pagkakaibigan o samahan ang mayroon tayo. May samahan para sa trabaho, may samahan para sa pag-aaral, sa paglilingkod, samahan ng kaibigan sa hirap o ginhawa. Ilan lamang ito sa mga samahan o buklod na mayroon tayo. Ngunit, mayaman din ang mayroong mga kasama na tutuwid sa iyong mga gawain at maglalapit sa iyo sa Diyos.

Inihaharap sa atin ng mga pagbasa sa Linggong ito ang isang uri ng pagsasama o pagkakaibigan na mayroon tayo: ang pagsasama para magtama, ang pagsasama para magdasal. Ito sana ang isang samahan na mayroon tayo, mga taong tutulong sa ating ituwid ang ating mga baluktot na gawain at mga tao na sasamahan din tayong tumawag sa langit kapag nananalangin.

Ito ang mga mahigpit na tagubilin ng Diyos sa atin: sabihin ang mga bagay na dapat para lumalim ang pananagutan; samahan din ang bawat isa para lumalim ang pananampalataya. Hindi ginagamit ang pagsasama para makasira. Hindi tayo binubuklod para may buhay na hamakin. Hindi tayo tinawag na magkakaibigan para pagtulungan ang isang inosenteng buhay. Binubuo tayo ng Diyos at pinagtitipan sa bawat isa upang sa gayon, maitama ang mali at tulungan tayong tumingala sa langit.

Tignan po natin ang mga samahan o pagbubuklod na mayroon tayo: tumatama ba ito ng masama? Naglalapit ba ito sa Diyos? Kung sakaling hindi, dito tayo ninanais dalhin ng Diyos: sa mga kasamang may pananagutan, sa mga kasamang may matibay magkapit-dalanginan.

  • Fr. Viel Bautista ng Manila Cathedral