Ebanghelyo: Lucas 6: 6-11
Sa iba namang Araw ng Pahinga, pumasok si Hesus sa sinagoga at nagturo. May isang lalaki na hindi maigalaw ang kanang kamay. Pinagmamasdan siya ng mga guro ng Batas at mga Pariseo, at baka pagalingin ito ni Hesus sa Araw ng Pahinga at nang maisakdal nila siya. Ngunit alam ni Hesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa lalaking hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka’t tumayo sa gitna.” Tumindig nga ito at tumayo roon. Sinabi ni Hesus sa kanila: “Matanong ko nga kayo: ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” Tiningnan niya silang lahat sa paligid at sinabi sa tao: “Iunat mo ang iyong kamay.” Ginawa niya ito at gumaling ang kanyang kamay. Galit na galit naman sila at magkakasamang nag-usap-usap kung ano ang magagawa nila kay Hesus.
Pagninilay:
Sa Mabuting Balita ngayon, dalawang uri ng tao ang makikita natin. Una, ang lalaking tuyot ang kamay. At ikalawa, ang mga Pariseong tila tuyot ang puso. Habang naghihintay ng kagalingan ang lalaki, abala ang mga Pariseo sa paghahanap ng pagkakamali. Nakatingin sila kay Hesus, hindi upang matuto kundi upang humatol. Nakita nila ang himala, ngunit hindi nila nakita ang habag ng Diyos.
Sa bisperas ng Kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria, inaanyayahan tayong tingnan ang buhay ni Maria. Kung may pusong sarado ang mga Pariseo, pusong bukas naman ang taglay ng Mahal na Birheng Maria. Bukas sa Salita ng Diyos, bukas sa kalooban ng Panginoon, at bukas sa pangangailangan ng kapwa. Ang kanyang “Opo” sa Diyos ang naging daan upang makatanggap ng Tagapagligtas ang mundo.
Marahil hindi na pisikal ang “tuyot na kamay” sa ating panahon. Marahil pusong hindi na marunong magpatawad, relasyong matagal nang naputol, pananampalatayang unti-unting nanlamig, o buhay na nawalan ng sigla dahil sa mga sugat at kabiguan. May mga tao ring tila buo ang katawan ngunit tuyot sa malasakit, pag-asa, at pagmamahal.
Sinabi ni Hesus sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Hindi gumaling ang lalaki hangga’t hindi siya tumugon. Ganoon din po ang karanasan natin. Laging handang magpagaling ang Diyos ngunit inaanyayahan Niya tayong gumawa ng hakbang ng pananampalataya. Marahil kailangan nating “iunat” ang ating kamay upang makipag-kasundo, tumulong, humingi ng tawad, o muling magtiwala sa Diyos.
Mga kapanalig, sa pagsalubong natin sa kaarawan ng Mahal na Birheng Maria, hilingin natin ang kanyang pusong mapagpakumbaba at mapagmalasakit. Nawa’y hindi tayo maging abala sa pagpuna tulad ng mga Pariseo, kundi maging mga taong nagdadala ng paghilom. Sapagkat ang tunay na debosyon kay Maria ay makikita hindi lamang sa ating mga panalangin, kundi sa ating kakayahang maging mga kamay ni Hesus na nagbibigay-buhay, pag-asa, at pagmamahal sa mga taong sugatan, laging bukas sa Diyos at laging handang magmahal sa kapwa.
- Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul