Daughters of Saint Paul

Marso 11, 2017 SABADO sa Unang Linggo ng Kuwaresma / Santa Aurea

Dt 26:16-19  – Slm 119 – Mt 5:43–48

Mt 5:43–48

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad,  “Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin n'yo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan.

            “Kung mahal n'yo ang nagmamahal sa inyo, ano ang gantimpala n'yo? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid n'yo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano?

            “Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.” 

PAGNINILAY

Ang pagninilay natin sa araw na ito, mula sa panulat ni Bro. Mark Lawrence Fabregas ng Society of St. Paul.  Malinaw na ibinabahagi sa ating ng pagbasa ang matamis na bunga ng pagkakaroon ng pag-ibig sa kapwa maging ito ma’y hindi mo kasundo o di pagkakaunawaan. Sa ating pamumuhay, minsan na rin tayong nagkamali at humingi ng tawad o nagmalaki, at marahil nasabi natin sa ating mga sarili na hindi naman tayo ang tunay na may sala para makipag- kasundo sa ating nakaaway. O Marahil kung tayo man ang naging sanhi ng di pagkakasundo, ano ang mas nararapat nating gawin lalo na kung tayo’y  nahihiyang aminin ang ating pagkakamali, na nagdulot ng di pagkakasundo na sya namang nagdudulot sa atin ng bigat ng kalooban. Bilang mga tunay na Kristiyano ang pagkakaroon ng pag-ibig sa puso, isang malinaw na tanda na mga tagasunod tayo ni Kristo. Paano nga ba natin pinagyayaman ang biyaya ng pag-ibig na dulot ni Kristo sa ating mga sarili.   Nag-uugat ba ito sa malalim na pag-ibig at ugnayan kay Kristo o pag-ibig para lamang sa pansariling kapakanan? Sa araw na ito dalhin natin sa ating mga puso ang mga aral na ibinahagi sa atin ng mabuting balita at gawin itong gabay sa buong araw upang sa ganun, masuri natin ang ating mga sarili ukol sa ating pakikipag-ugnayan sa mga nakasakit sa atin. Ganoon pa man, matutunan din nawa nating pagyamanin ang kahalagahan ng panalangin sa ating mga kapwa lalo na sa mga nakasakit sa atin. Huwag nawa tayong mag-sawang gumawa ng mabuti sa ating mga kapwa na nagbubukal sa pag-ibig na s’ya namang nagdudulot ng kapayapaan sa ating mga sarili, at higit sa lahat sa ating kapwa.