Daughters of Saint Paul

Marso 12, 2017 LINGGO Ikalawang Linggo ng Kuwaresma

 

Gen 12:1-4a – Slm 33 – 2 Tim 1:8b-10 – Mt 17:1-9

Mt 17:1-9

Isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at ang kapatid nitong si Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. Nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila: nagningning gaya ng araw ang kanyang mukha at kuminang na puting-puti ang kanyang damit gaya ng liwanag. At nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus .

            Kaya nagsalita si Pedro at sinabi niya:  “Panginoon, mabuti at narito tayo. Kung gusto mo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.

            Nagsasalita pa si Pedro nang takpan sila ng isang makinang na ulap. At mula sa ulap ay narinig ang salitang ito:  “Ito ang Aking Anak, ang Minamahal, ang aking Hinirang;  pakinggan ninyo siya.”

            Nang marinig iyon ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa, na takot na takot. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinipo, at sinabi:  “Tumayo kayo, huwag matakot.” At pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus. At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay.

PAGNINILAY

Ang pagninilay sa araw na ito, ibinahagi sa atin ni Bro. Mark Lawrence Fabregas ng Society of St. Paul.  Mga minamahal kong tagapakinig, narinig natin sa Ebanghelyo ang pagbabago ng anyo ni Jesus at ang pagpapahayag ng isang tinig na nagsasabing “Ito ang minamahal kong anak na lubos kong kinalulugdan pakinggan ninyo siya!”  Sa ating pang araw-araw na pamumuhay papaano nga ba natin pinakikinggan ang tinig ni Jesus? Marahil sa pamamagitan ito ng ating mga kunsensya na bumubulong sa’ting mga puso na palaging piliin ang paggawa ng mabuti. O maari rin naming sa pamamagitan ng mga payo ng ating mga magulang, kapatid, kaibigan o ng mga nakakataas sa atin. O masyado ba tayong naantig sa ibat ibang tinig na ating naririnig o marahil pinipili na lang natin kung ano ang mas gusto nating pakinggan. Ayon sa pagbasa mahalagang ituon nating ang ating mga pandinig kay Jesus. Ang mahiwagang tinig na narinig ng mga tagasunod ni Jesus, namutawi ang salitang “minamahal kong anak” at ayon sa mga dalubhasa ito ang tinig ng Ama. Lubhang makabubuti sa atin na sundin ang panukala ng Amang nasa Langit na dinggin ang mga turo ni Jesus hindi lamang ng ating mga tenga, kundi pati na rin ng ating mga puso.  Dahil isa itong pagpapahiwatig na nauunawaan natin ang ating narinig. Sa araw na ito sikapin nating pakinggan ang tinig ni Jesus na namumutawi sa kanyang banal na salita.   Nang sa gayon, mag bagong-anyo rin tayo, hindi sa pisikal na aspeto kundi sa espiritwal na pagkakawangis natin ayon sa hugis at wangis natin sa Diyos.