Daughters of Saint Paul

Marso 13, 2017 – LUNES sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma / San Roderico

 

Dn 9:4b-10 – Slm 79 – Luke 6:36-38

Luke 6:36-38

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain.

            “Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo'y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo'y bibigyan—isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”

PAGNINILAY

Ang pagninilay natin sa araw na ito, ibinahagi ni Bro. Mark Lawrence Fabregas ng Society of St. Paul.  Malinaw pong ipinapahiwatig sa atin ng pagbasa na maging mahabagin tayo at huwag maging mapaghusga sa ating kapwa. Marahil sa ating buhay, nakaranas na tayong husgahan. At tunay nga namang nakakasakit ito ng damdamin lalo na kung ang ipinaparatang sa iyo, walang katotohanan at walang sapat na basehan. Sa ating lipunan sa ngayon, marami tayong mga kapatid na madalas na nakararanas ng ganitong sitwasyon lalo na ang mga walang kaya at mangmang. Madalas silang pinararatangan sa mga bagay na di naman talaga nila ginawa hanggang sa humahantong sila sa pagkakakulong, o ang mas malala pa, pinapatay. Isa lamang ito sa maraming halimbawa ng di-makatarungang paghahatol sa kapwa. Kaakibat ng salitang hatol, ang salitang habag. Sinabi ni Jesus “maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama.”  Mga kapatid, bilang mga tagasunod ni Jesus, inaasahan rin tayong magpakita ng habag sa ating kapwa katulad Niya. Paano nga ba natin maisasagawa ang salitang habag?  Ayon sa panulat ni Santa Faustina sa kanyang pakikipag ugnayan kay Jesus, maari nating mailahad ang salitang awa sa pamamagitan ng GAWA, SALITA at PANALANGIN.  Suriin natin ang ating sarili: sa paanong pamamaraan ko ba naipapahiwatig ang aking awa?  May mga pagkakataon ba sa aking buhay na ipinagkait ko ang habag sa aking kapwa dahil sa aking sobrang galit at hindi pagpapatawad? Nawa’y lagi nating alalahanin na tayong lahat dito sa lupa, nangangailangan ng habag at pagpapatawad ng Diyos.  Kaya iwasan sana nating humatol sa ating kapwa.  Hilingin natin sa Diyos ang biyayang ito.  Panginoon, patawarin Mo po ako sa maraming pagkakataong naging mapanhusga ako sa kahinaan ng aking kapwa.  Matanto ko nawa lagi na ako rin, mahina at nagkakasala kaya wala akong karapatang humatol sa iba.  Baguhin Mo po ang aking ugaling mapanhusga.  Amen.