Daughters of Saint Paul

Marso 14, 2017 – MARTES sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma / Santa Matilda

 

Is 1:10, 16-20 – Slm 50 – Mt 23:1-12

Mt 23:1-12

Sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad:  “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitantao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang mga noo, at mahahabang palawit sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao.

            “Huwag kayong patawag na guro sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din n'yong tawaging ama ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na 'gabay' sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin n'yo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang napapakababa.”

PAGNINILAY

 Bawal ang mayabang, bawal ang mapagkunwari!”  Ito ang ibig sabihin ng Ebanghelyo ngayon sa simpleng salita. Tinuligsa ni Jesus ang mga guro ng Batas at mga Pariseo dahil nalulunod sila sa kanilang kayabangan.  Tuwang-tuwa silang binabati sa mga liwasan at pinaparangalan ng mga tao. Magaling silang magsalita at magturo ng Batas, pero wala naman silang kredibilidad; Dahil hindi naman nila isinasabuhay ang kanilang mga itinuturo.  Puro lang sila ingay, pero kulang naman sa gawa.  Mga kapatid, walang lugar ang mayayabang at mapagkunwari sa paghahari ng Diyos.  Dahil kapag ang tao’y mayabang, naiisip niya na walang ibang magaling kundi siya lamang.  Hindi niya kinikilala ang kakayahan ng iba; lalo’t hindi niya kinikilala ang Diyos bilang pinagmulan ng kanyang angking kakayahan.  Pakitang-tao din lang ang ginagawa niyang kabutihan sa kapwa dahil gustong-gusto niya itong ipamalita upang umani ng paghanga at parangal mula sa iba.  Hindi naiiba dito ang ilan sa ating mga pulitiko na puro publicity ang habol.  Hindi makagagawa ng anumang kabutihan at pagtulong ng walang pictures o video coverage.  Mga kapatid, nalalaman ng Diyos ang tunay na motibo sa ating puso sa tuwing gumagawa tayo ng mabuti..  Hilingin nating gawin tayong mababang-loob at pakalinisin Niya ang ating  hangarin sa paggawa ng mabuti.