Daughters of Saint Paul

Marso 20, 2017 Lunes sa Ika-3 Linggo ng Kuwaresma / Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Mahal na Birhen

 

2 S 7:4-5a, 12-14a, 16 – Slm 89 – Rom 4:13, 16-18, 22 – Mt 1:16, 18-21, 24 [o Lk 2:41-51a] 

Mt 1:16, 18-21, 24a 

Si Jacob ang ama ni Jose ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo.

Ito ang pangyayaring napapaloob sa kapanganakan ni Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo.

 Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya.

Habang iniisip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanganan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.”

Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa.

PAGNINILAY

Mga kapatid, bukod sa pagiging kabiyak ng Mahal na Birheng Maria, ama-amahan ni Jesus, at isang karpintero – wala na tayong anumang masasabi pa tungkol kay San Jose.  Dahil iilang salita lamang ang nasusulat sa Ebanghelyo tugkol sa kanya.  Kung tatlumpong taon namuhay nang simple at tahimik si Jesus bilang ordinaryong karpintero, buong buhay namang gayon si San Jose.  Siya ang nag-aruga sa Anak ng Diyos mula sa sinapupunan ng Kanyang ina.  Kapiling siya ng kanyang maybahay sa lahat ng oras, lalo na sa mga sandali ng pangangailangan.  Siya ang patuloy na sumusubaybay at nagturo kay Jesus nang lahat; siya rin ang bumuhay sa kanyang mag-anak.  Siya ang amang haligi ng tahanan sa Nazareth.  Si San Jose, ang huwaran ng maraming Kristiyanong namuhay nang simple at tahimik, habang matapat nilang isinasagawa ang kanilang mga tungkulin at pananagutan.  Karaniwan lamang ang kanilang buhay, pero natatangi naman ang kanilang malasakit sa kapwa.  Tulad sila ng matatabang lupa na nagpapatubo sa makukulay na bulaklak at halaman sa magandang hardin ng simbahan.  Manalangin tayo.  Panginoon, sa tulong ng panalangin ni San Jose, matularan ko nawa ang kanyang kababaang-loob, pamumuhay ng simple at kahandaang tumalima lagi Sa’yong kalooban.  Amen.