Daughters of Saint Paul

Marso 27, 2025 – Huwebes sa Ika-3 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: LUCAS 11: 14-23

Minsa’y nagpalayas si Hesus ng isang demonyo at ito’y pipi. Nang lumabas na ang demonyo, nakapagsalita ang pipi at namangha ang mga tao. Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Hesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa Langit. Alam ni Hesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Hindi nga ba’t sinasabi n’yo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng iyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Kung nasasandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Subalit kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. “Laban sa akin ang hindi panig sa akin, at nagpapangalat ang hindi nagtitipong kasama ko.”

Pagninilay:

“Bawat kahariang hindi nagkakaisa ay babagsak at ang tahanang nag-aaway-away ay mawa-wasak.’’ Ito ang sinasabi ng Mabuting Balita ngayon sa verse 17. Hayaan ninyong ituon ko ang ating pagninilay sa talatang ito. Ano ba ang karaniwang sanhi ng hindi pagkakaisa ng isang kaharian o bansa? Sa naobserbahan ko sa ating pamahalaan, ang unang naghahati-hati sa ating mga pinuno ay personal na ambisyon. Kapag lahat ay may ambisyong maupo sa mas mataas na posisyon, asahan natin ang siraan, at pagkalat ng disinformation sa kalaban upang siraan ito. Ang mga dating magkaibigan at magkakampi ay nagiging magkalaban dahil sa pagkagahaman sa posisyon. Kapanalig, tandaan natin: ang pagkakaisa ay sa Diyos samantalang ang pagkakahati-hati ay sa kalaban. Gayon din naman sa tahanan, ang pagkakaisa at pagpapatawad ay sa Diyos subalit ang pag-aaway-away ay kagustuhan ng demonyo. Lalo na kung nagpapataasan ng pride ang mag-asawa o magkakapatid, sa halip na magpatawad o sikaping magka-unawaan. Lalong hindi kalooban ng Diyos ang magpatayan ang magkakapatid dahil sa mana at ari-arian.

Additional: Kapanalig, ang pagkakahati-hati at pag-aaway-away ay hindi galing sa Diyos. Taktika ito ng kalaban upang maghasik ng pagkamakasarili at pagkagahaman sa mundo. Samantalang ang pagkakaisa, pagpapatawad at pagpapakumbaba ay sa Diyos. Kung minsan upang magkaisa, kailangang may magpakumbaba at magparaya, mga gawaing hindi kaya ng demonyo. Nananatiling buo ang pamilya kung naghahari rito ang pag-ibig, pag-uunawaan at pagpapatawad na galing sa Diyos.