Ebanghelyo: Lucas 18,9-14
Sinabi ni Hesus ang talinhagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao, mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’ Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa Langit. Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’ Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”
Pagninilay:
Sa pasimula po ng bawat misa, inaanyayahan ang lahat na magsisi sa ating mga kasalanan. Sinasabi natin ang “Inaamin ko sa makapangyarihang Diyos…at sa inyo mga kapatid na ako’y nagkasala sa isip, sa salita, at sa gawa…habang dumadagok tayo sa ating dibdib. Bakit nga ba sa puso o sa dibdib dumadagok? Sabi po ni St. Jerome “because the breast is the seat of evil thoughts: thus, we wish and strive to bring to light what is concealed in the breast” na siya namang mababasa din natin sa bibliya: Marcos 7:21-23 21 Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagpaslang..pagkainggit, paglapastangan, kapalaluan, at kahangalan. Ang lahat ng kasamaang ito ay sa loob nagmumula at siyang nagpaparumi sa tao.” Dumalangin tayo sa Diyos upang tulutan niya tayo ng grasya ng pag-ako at pag-amin sa ating mga kasalanan. Magsilbing aral nawa sa atin ang pagmamataas ng Pariseo, na hindi naman talaan ng ating mabubuting gawa ang susi natin sa langit. Tularan natin ang publikano, ang totoo’y madalas mahina tayo, makasalanan tayo. Pero, tama lang na dagukan ang dibdib, umamin, at dumulog sa awa ng Diyos. Ngayong panahon ng kuwaresma, hindi po hot-topic o highlight ang pagkamakasalanan, karupukan, at kahinaan nating mga tao. Ngunit, pinapaalalahanan tayo ng panahong ito na mayroong Dakilang pag-ibig, Diyos, na hindi napapagod yumakap sa mga taong tunay na nagsisisi sa kanilang mga kasalanan.