Daughters of Saint Paul

MAY 14, 2020 – HUWEBES SA IKALIMANG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 15:9-17

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko katulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal. “Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak ninyo. “Ito ang utos ko: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Wala nang pagmamahal na hihigit pa kaysa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa mga kaibigan niya. “Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo itinuturing na mga utusan sapagkatl hindi alam ng utusan kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Itinuring ko naman kayong mga kaibigan sapagkat ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. “Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga ninyo. At ipagkakaloob sa inyo ng Ama anuman ang hilingin ninyo sa kanya sa Ngalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo na magmahalan kayo.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Bro. Sammy Torrefranca ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Masarap sa pakiramdam na marami kang kaibigan. Pero mas kaaya-aya sa kalooban, kung ang mga kaibigan na ito’y maasahan, hindi lamang sa panahon ng kasiyahan, kundi sa panahon ng kagipitan, kalungkutan, lalo na sa kamatayan. Wala nang makakapantay sa pagkakaibigang ibinahagi at ipinakita ni Kristo sa atin. Pagkakaibigan na hanggang sukdulan ang ipinamalas na pagmamahal – buhay at puso ang kanyang inialay at ibinigay. Kaya nga siguro, pusong pula ang simbolo ng pagmamahal. Hindi ito dahil kay kupido; kundi higit, dahil kay Kristo. Natusok at nadurog ang kanyang puso para sa ating lahat. Hindi man natin mahigitan ang ganoong pagkakaibigan ni Kristo sa araw-araw nating buhay, pero maaari nating i-alay ang panahon sa isang kaibigang nawawalan ng pag-asa. Pwede nating ilaan ang ating mga tenga at puso sa bawat pagdadalamhati ng isa o dalawa nating kaanak o kaibigang nahihirapan. Maari mong paaliwalasin ang mapait nilang araw sa isang matamis mong ngiti or sa isang mangkok na masarap na sinigang. Sa mga simpleng paraan na ito nakatutugon tayo sa panawagang magmahal.