Daughters of Saint Paul

MAY 15, 2020 – BIYERNES SA IKALIMANG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 15:12-17

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:“Ito ang utos ko: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Wala nang pagmamahal na hihigit pa kaysa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa mga kaibigan niya. “Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo itinuturing na mga utusan sapagkat hindi alam ng utusan kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Itinuring ko naman kayong mga kaibigan sapagkat ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. “Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga ninyo. At ipagkakaloob sa inyo ng Ama anuman ang hilingin ninyo sa kanya sa Ngalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo na magmahalan kayo.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.“Dapat ka bang mahalin, O dapat nga ba? Di ka raw naman marunong magmahal.”Naalala ko itong lyrics ng awitin ni Sharon Cuneta nang binasa ko itong Ebanghelyo natin ngayon. Natural kasi sa ating mga tao ang mahalin lamang yong mga taong kaibig-ibig, yong mabuti at mabait sa atin, at deadmahin yong mga taong hindi kaibig-ibig ang ugali, mga taong hindi nagbibigay ng mabuting halimbawa sa kapwa, lalo na sa nakababata. Mga kapatid,sa Ebanghelyo natin ngayon binibigyan tayo ni Jesus ng tamang batayan ng pagmamahal. Hindi pala dapat nakabatay ang ating pagmamahal sa kakayahan ng ating kapwang mahalin din tayo, kundi sa kung paano tayo minahal ng Diyos. Sabi sa bersikolo 12, “Mag-ibigan sana kayo, gaya ng pag-ibig ko sa inyo”. Kung ganon, ang pag-ibig sa atin ni Jesus, ang dapat na maging modelo, ng pag-ibig natin sa kapwa, pag-ibig na handang mag-alay ng buhay kahit sa mga hindi karapat-dapat. Sino nga ba sa atin ang karapat-dapat sa isang dalisay at wagas na pag-ibig ng Diyos? Wala. Kasi lahat tayo makasalanan. Ganon pa man, di tayo tinigilang mahalin ng Diyos. Kaya alam nyo, ang Ebanghelyong ito ang tagagising sa akin, kapag may mga tao akong gusto nang sukuang mahalin, kasi di talaga kanais-nais ang ugali lalo na kung matanda na. Sabi ni Jesus sa Ebaghelyo ngayon, kaibigan nya tayo kung kaya nating tupdin ang utos niyang ito. Gawin natin, mga kapatid upang maging mabunga ang ating buhay, bunga na mananatili at kaaya aya sa Panginoon.