Daughters of Saint Paul

MAY 16, 2020 – SABADO SA IKALIMANG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 15:18-21

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung napopoot sa inyo ang mundo, alamin ninyo na ako muna bago kayo ang kinapootan nito. Kung kayo’y mula sa mundo, inibig na sana ng mundo ang sariling kanya. Ngunit napopoot sa inyo ang mundo dahil hindi kayo mula sa mundo kundi ako ang humirang sa inyo mula sa mundo. “Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo: ‘Walang utusang mas dakila sa kanyang panginoon.’ Di ba’t inusig nila ako? Uusigin din kayo. Tinupad ba nila ang aking salita? Gayon din nila tutuparin ang sa inyo. Dahil sa ngalan ko nila gagawin ang mga ito laban sa inyo, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagpadala sa akin.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Vhen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Ang Salita ng Diyos at ang mensaheng nasusulat sa Bibliya ay hindi natin lubos na mauunawaan kung hindi natin ito mararanasan. Paano mo mararamdaman ang kasiyahan kung hindi ka naman nagdanas ng kalungkutan? Paano mo malalaman ang kasaganahan kung hindi ka nakaranas ng paghihikahos? Paano mo madarama ang pagtanggap kung hindi ka naman nakaranas ng pagtakwil? Kung nakaranas ng hirap at pangungutya si Jesus dahil sa mga ipinangaral nya na taliwas sa pinahahalagahan ng mundo, walang dahilan para hindi rin natin ito maranasan bilang mga tagasunod niya. Ang pagiging Kristiyano ay nangangahulugan ng paglangoy laban sa agos ng mundo. Kung ang agos ng mundo ay patungo sa pagpapahalaga sa kapangyarihan, kasikatan, kaginhawahan at pagkamakasarili; tayong mga tagasunod ni Jesus ay tinatawag sa paglilingkod, kababaang-loob, at pagpapakasakit sa pamamagitan ng paglimot sa ating sarili o paglabas sa ating mga “comfort zones” upang tumulong sa kapwa nating nangangailangan. Sa ating panalangin, hayaan nyong gamitin ko ang lyrics mula sa awiting “Sa Iyong mga Yapak” ng UP Madrigal Singers. Sa sandaling ito, alalahanin natin na tayo ay nasa presensya ng ating Panginoon na kasama natin sa bawat yugto ng ating buhay, at sa pagtahak sa landas ng buhay: “Landas na kay tinik sa iyo’y inilaan, bawat hakbang nito’y hirap ang laman. Sa kalooban ng Ama nagpasakop kang ganap. Buhay Mo, O Jesus ang siyang alay na sapat. Laban sa agos ng mundo lumakad ka sa landas Mo. Laban sa lakad ng mundo, landas sa ‘ki’y nais Mo.” Amen