Daughters of Saint Paul

MAY 17, 2020 – IKAANIM NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 14:15-21

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung mahal ninyo ako, isakatuparan ninyo ang mga kautusan ko. At hihiling ako sa Ama at ibibigay niya sa inyo ang ibang Tagapagtanggol upang makasama ninyo magpakailanman: Siya ang Espiritu ng katotohanan na hindi matatanggap ng mundo sapagkat hindi siya nakikita nito ni nakikilala. Kilala ninyo siya sapagkat kapiling ninyo siya at nasa inyo siya. “Hindi ko kayo iiwang ulila; pabalik ako sa inyo. Konti pang panahon at hindi na ako makikita ng mundo; ngunit makikita ninyo ako sapagkat buhay ako at mabubuhay din kayo. Sa araw na ‘yon malalaman ninyo na nasa Ama ako, at nasa akin kayo at nasa inyo naman ako. “Ang tumutupad sa tinanggap ninyong mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipakikita ko sa kanya ang aking sarili.”

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong ating narinig, sinabi ng Panginoong Jesus na hihingin Niya sa Ama na ibigay sa mga alagad ang bagong Tagapagtanggol, ang Espiritu Santo. Maaari nating ituring ang Panginoong Jesus at ang Espiritu Santo bilang dalawang Tagapagtanggol natin dito sa lupa.  Marapat lamang na kilalanin natin ang Espiritu Santo, dahil Siya ang karamay natin habang tayo’y nasa “bayang kahapis-hapis”.  Ang Espiritu Santo, ang bukal ng kabanalan ng lahat ng tao. Higit sa lahat, Siya ang bukal ng kabanalan ng Taong ipinaglihi at isinilang ni Maria, at lalong Siya rin ang bukal ng kabanalan ni Maria. Mula sa simula ng paglilihi kay Jesus, ang Taong ito na Anak ng Diyos ay nakatanggap mula sa Espiritu Santo ng ibayong kaganapan ng kabanalan, na katumbas ng karangalan ng Kanyang Persona bilang Diyos. Ayon pa kay San Juan Maria Vianney, patron ng mga kura paroko, “Wala nang ibang bukal ng kaligayahan ang mga banal kundi ang kanilang katapatan sa pagsunod sa mga galaw ng Espiritu Santo sa kanila.”  Ang bawat isa sa mga banal, Obra maestrang Espriritu Santo. Mga kapatid, sa ating pang-araw-araw na paglalakbay sa buhay, nararamdaman ba natin ang mahiwagang pagkilos ng Espiritu Santo sa ating puso?  Siya ang nagpapalakas sa atin upang mapaglabanan ang tukso, at laging isakatuparan ang ating mga tungkulin ayon sa kalooban at utos ng Diyos.  

PANALANGIN:

Panginoon, puspusin Mo po ako ng Iyong Espiritu Santo nang laging maghari sa akin ang kabutihan, pagpapatawad at pagmamahal sa kapwa. Amen.