Daughters of Saint Paul

MAY 18, 2020 – LUNES SA IKA-ANIM NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 15:26-16:4

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kapag dumating ang Tagapagtanggol na aking ipadadala sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatotoo tungkol sa akin. Kaya naman sinasabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang pagdating ng oras ay matandaan ninyong sinabi ko ito sa inyo.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghleyo. Bago ako pumasok sa kumbento, nagtrabaho ako sa kooperatiba ng parokya. Madalas, dinadalaw ako ng aming paroko, na si Msgr. Generoso Marasigan at kinukumusta ako. Sa pag-uusap namin, natanong ko sa kanya kung pwde akong mag madre. Mula po noon, ginabayan na ako ni Msgr. Marasigan sa aking espiritwal na buhay. Siya din ang kumausap sa aking mga magulang bago ako pumasok sa kumbento. Sa mga kwentuhan namin ni Msgr. Marasigan, nasabi nya sa akin na hindi madali ang sumunod kay Kristo. Si Jesus mismo ang nagsabi sa mga alagad na sila ay magdadanas ng hirap. Walang inilihim si Jesus sa kanila.  Pero bakit sa kabila ng babalang ito ng kanilang Panginoon, masigasig pa rin silang nagpalaganap ng salita ng Diyos? Dahil nakita nilang muli si Jesus na muling nabuhay. Ito ang naging lakas nila sa kanilang misyon. Sa kabila ng banta ng hirap na kanilang daranasin, hirap sa pagpapalaganap ng salita ng Diyos; pagtakwil sa kanila  sa mga sinagoga, pagtugis at iba pang mga paghihirap na naranasan, hindi nila iyon alintana, dahil napuspos na sila ng pagmamahal. At ang Diyos Ama ay magpapadala ng isang gabay, ang Espiritu Santo. Alam natin na lahat ng sumunod kay Kristo ay naging martir.  Ano ang nagbigay ng lakas  sa kanila upang sa kabila ng hirap ay ipagpatuloy ang pagpapalaganap ng salita ng Diyos? Si Jesus mismo ang nagbigay ng lakas ng loob sa kanila. Ang kanyang muling pagkabuhay ay isang malaking sandata upang maging masigasig sila sa gawaing iniatas ni Jesus sa kanila. Sa panahong ito ng krisis sa ating kulusugan, bigyan nawa tayo ng lakas ng Banal na Espiritu upang patuloy na kumapit sa ating pananampalataya kay Jesus ng muling nabuhay. Amen, Amen.