Daughters of Saint Paul

MAY 19, 2020 – MARTES SA IKA-ANIM NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 16:5-11

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ngayon nama’y papunta ako sa nagpadala sa akin, at wala sa inyong nagtatanong sa akin kung saan ako pupunta kundi tigib ng lungkot ang inyong puso sa pagsasabi ko nito sa inyo. “Ngunit sinasabi ko ang katotohanan: makabubuti sa inyong ako’y umalis sapagkat kung hindi ako aalis, hindi makararating sa inyo ang Tagapagtangggol. Kung aalis naman ako, ipadadala ko siya sa inyo at pagdating niya, hihiyain niya ang mundo sa paglalantad sa kasalanan sa daan ng pagkamatuwid at sa paghatol. “Ito ang kasalanan: hindi sila naniniwala sa akin. Ito ang daan ng pagkamatuwid: sa Ama ako papunta, samantalang hindi n’yo na ako makikita. At hinatulan na ang pinuno ng mundong ito: ito ang paghatol.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Paano natin nae-encounter ang Panginoon at nagaganap ang pangkaloobang pag-uusap o inner dialogue natin sa Kanya?  Kaninong tinig ang nagpapa-realize sa atin, na sa Diyos lang napapanatag ang kalooban natin? Sino ang nagpupush sa atin na gamitin ang talents natin para mapa-smile naman at mapagaan ang loob ng mga netizens, ngayong marami ang nagigipit? (Bukod sa may nagdistribute ng pagkain, ng facemasks, marami rin ang nagcoconcert at home para maka-raise ng funds. Mamili ka ng paborito mong singer. Nakakaenjoy!.) Ang lahat ng ito, hindi natin magagawa kung wala ang Banal na Espiritu. Siya ang Espiritu ni Jesus.  Siya ang ipinangako ni Jesus na ipadadala Niya. Tulad ni Jesus at ang Ama, iisa din ang Banal na Espiritu at si Jesus. Nangangahulugan, ang Banal na Espiritu ay mismo si Jesus, at mismo ang Ama nating Tagapaglikha. Siya ang Banal na Santatlo. Mahalaga ang role ng Banal na Espiritu ngayong panahon ng pagdiriwang natin ng Muling Pagkabuhay ni Jesus. Pinasasaya Niya, pinapanatag ang loob natin kahit na may global crisis. Lively pa rin ang pagpapalaganap ng mabuting balita sa mga nawawalan na ng pag-asa. Sa darating na Linggo, icecelebrate natin ang Ascension Sunday. Doon inempower ni Jesus ang mga alagad Niya bago Siya umakyat sa langit. Binuhay ni Jesus ang kanilang diwa. Pinalakas Niya ang kakayanan nilang ipalaganap ang kaharian ng Diyos. Tayo rin, may add-ons, ang Espiritu ng ating Panginoon na ibinibigay sa atin. Bagamat invisible ang kaaway natin na deadly virus, may mga armas din tayo na hindi nila nakikita- bukod sa armas ng pananampalataya, ito ang sandata ng panalangin. (May isa pa, ito ang alab ng pananatili Niya sa atin. Buhay ang Banal na Espiritu ng Panginoon sa ating puso.., sa ating kalooban. Siya ang ating sandigan. Di tayo mabubuwag!)