EBANGHELYO: Juan 16:12-15
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo subalit hindi ninyo mauunawaan ngayon. Darating naman siya, ang Espiritu ng katotohanan, at maghahatid sa inyo sa buong katotohanan. Wala na siyang sasabihin mula sa ganang sarili, kundi ang lahat niyang maririnig ang kanyang bibigkasin at mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo, ibabalita niya sa inyo ang tatanggapin niya mula sa akin at sa gayon niya ako luluwalhatiin, ang tanang sa ama ay akin dahilan dito kaya ko sinabing mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, pero hindi n’yo masasakyan ngayon” sabi sa bersikulo 12. Ano kaya ang mga sasabihin pa sana ni Jesus pero hindi pa kayang unawain ng kanyang mga agalad? Sa isang bata, hindi lahat sinasabi kasi hindi pa niya kayang unawain ang lahat. Sa isang namatayan, hindi rin madaling iparating ang katotohanan. Kadalasan, mahirap tanggapin ang katotohanan lalo na kung masakit ito at mahirap unawain. Natural kasi sa atin ang piliin yong mas madali, mas magaan at mas masaya. Sa mga ganitong sitwasyon sa buhay, sumasaklolo sa atin ang Banal na Espiritu upang akayin tayo sa katotohanan at palakasin ang ating kalooban habang hinihintay nating lubos na maunawaan ang mga nangyayari sa ating buhay. Mga kapatid, huwag nating madaliin ang lahat ng bagay, kasi baka kung isahang ihayag sa atin ang lahat na nakatakdang mangyayari sa ating buhay, baka di natin kayanin. Alam nyo nang pumasok ako sa kumbento, hindi ko rin tiyak kung tatagal ba ako, kung kakayanin ko ba ang buhay kumbento, at higit sa lahat kung ano ba talaga ang magiging misyon ko. Kaya ang ginawa ko, nabuhay ako ayon sa kung ano ang hinihingi ng panahon. Inalis ko lahat na mga ambisyon, upang ipaubaya sa Diyos ang pagguhit ng aking tadhana. Sinikap kong mabuhay nang maayos sa bawat kasalukuyan at iwasang mangamba sa kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Sinikap kong magtiwala sa Diyos, na nakakaalam ng lahat. Nakakatuwa! kasi alam nyo, napagtanto ko na kung bukas pala tayo sa paggalaw ng Banal na Espiritu sa buhay natin, unti-unti niyang ihahayag sa bawat yugto ng ating buhay, ang magaganda nyang plano para sa atin. Minsan mahirap, pero kapag nakaya natin, may galak itong hatid sa ating puso at kalooban. Kailangan lang nating magtiwala sa Kanya at kumapit sa kanyang pangako at wagas na pag-ibig sa atin.
