Daughters of Saint Paul

MAY 21, 2020 – HUWEBES SA IKA-ANIM NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 16:16-20

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sandali pa at hindi n’yo na ako muling makikita, at sandali pa at makikita n’yo rin ako.”

At sinabi ng kanyang mga alagad sa isa’t isa: “Ano ba’tong sinasabi niya sa atin: ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako makikita, at sandali pa at makikita n’yo rin ako’ at ‘Papunta ako sa Ama’?” Kaya sinabi nila: “Ano ba itong ‘sandali’? Hindi natin alam kung ano ang sinasabi niya.”

Alam ni Jesus na niloloob nilang tanungin siya at sinabi niya sa kanila: “itinatanong niyo sa isa’t –isa ang ibig kung sabihin ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako makikita, at sandali lamang at makikita n’yo ako.

Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, tatangis kayo at tataghoy, ngunit magagalak naman ang mundo. Malulungkot kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong kalungkutan.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Maaaring malungkot at masaya ang mensahe ng Mabuting Balita. Malungkot dahil nagpapaalam na si Jesus sa kanyang mga alagad. Panahon na upang iwanan niya sila at bumalik sa tabi ng kanyang Amang nasa langit. Pero, masaya rin naman ang pamamaalam na iyon dahil sinabi niyang mapapalitan ng kagalakan ang kanilang kalungkutan. Maghintay lang sila ng konting panahon. May nakapagsabi na walang permanente sa mundo maliban sa isa, ang pagbabago. Life is a constant change. Nagbabago ang lahat, ang tao, ang kalikasan, ang sitwasyon. Kaya kung nalulungkot ka man ngayon, hwag kang mag-alala sasaya ka rin, baka mamaya, o bukas. Kung nahihirapan ka na dahil sa mga problema, huwag kang mag-alala masosolusyunan din yan. Naalala ko nga yung sinabi ng isang karakter sa pelikulang napanood ko, “Ang lahat ng problema ay may solusyon, kung walang solusyon, huwag nang problemahin.” Syempre joke lang yun, pero ang totoong mensahe ay huwag tayong mag-alala, sagot tayo ni Lord kaya kapit lang. 

PANALANGIN:

Panginoon, itinataas po namin sa inyo ang aming mga alalahanin. Tulungan po ninyo kaming harapin ang bawat pagsubok sa buhay ng may pananampalataya at matatag na paniniwalang lagi ka naming kasama. Kung hindi ka namin maramdaman sa aming tabi, maisip sana namin na iyon ang panahong buhat-buhat mo kami. Amen.