Daughters of Saint Paul

MAY 22, 2020 – BIYERNES SA IKA-ANIM NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 16:20-23

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, tatangis kayo at tataghoy ngunit magagalak naman ang mundo. Malulungkot kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong kalungkutan. Namimighati ang babaeng malapit nang manganak sapagkat sumapit na ang oras niya. Ngunit pagkasilang sa sanggol, hindi na niya naaalala ang dalamhati dahil sa galak: pumasok sa mundo ang isang tao! “Gayundin kayo namimighati ngayon. Ngunit muli ko kayong makikita at magagalak ang inyong kalooban, at walang makaaagaw sa galak ninyo.At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang sinasabi ko sa inyo na anumang hilingin n’yo sa Ama sa Ngalan ko ay ipagkakaloob niya sa inyo.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Bro. Sammy Torrefranca ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Lahat ng ating pighati may katapusan, magiging tuwa’t saya din ang mga ito. Hindi araw-araw ay Biyernes Santo, dadating at dadating ang The Day of Eastersa ating buhay. Bilang isang seminarista ang dami ko na pong pinagdaanan sa aking bokasyon. Bumagsak minsan sa isang subject sa Theology, napalawig ang formation, pero, heto pa rin ako lumalaban, at hindi nawawalan ng pag-asa. Patuloy at araw-araw na may pag-asa. Lalayo pa ba tayo sa kasalukuya nating sitwasyon? Buong mundo ngayon ang natatakot; marami ang nawalan ng trabaho; nagugutom, nanganganib ang buhay, lalo na ng mga health workers at frontliners… kaya sapilitang ipinatupad ang  Enhanced Community Quarantine para maprotektahan ang mga tao at mapigilan ang paglaganap ng nakamamatay na CoVid19.  Oo, nasubukan ang ating tatag dahil sa krisis, pero sa kabila ng hirap na dulot nito, may mga bagay-bagay din tayong dapat ipagpasalamat.  Nagkaroon tayo ng mas mahabang panahon  na makasama ang ating pamilya at mga mahal sa buhay. Nadama natin, na iisang pamilya tayong humaharap sa krisis – walang mayaman o mahirap, nagtutulungan tayo bilang isang pamayanan upang puksain ang salot na dala ng CoVid19.  Nakapagpahinga si Inang Kalikasan sa polusyon. Aminin natin, na ang sarap langhapin ngayon ng sariwang hangin at pagmasdan ang asul at klarong kalangitan. Mga kapatid, si Hesus ang nangangako sa atin, na magagalak ang ating puso, at walang sino man ang makakakuha nito sa atin. Kaya natin ito!  Kaya, laban lang!  Manalig at magdasal. Tuwa’t saya makakamtan.