Daughters of Saint Paul

MAY 28, 2020 – HUWEBES SA IKAPITONG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 17:20-26

Tumingala si Jesus sa Langit at nagsalita: “Hindi sila lamang ang aking ipinagdarasal kundi pati ang mga naniniwala sa akin sa pamamagitan ng salita nila. Maging iisa sana silang lahat kung paanong nasa akin ka, Ama, at nasa iyo ako. Mapasaatin din nawa sila upang maniwala ang mundo na ikaw nga ang nagsugo sa akin. “Ipinagkaloob ko naman sa kanila ang luwalhating ipinagkaloob mo sa akin upang maging isa sila gaya nang tayo ay iisa: ako sa kanila at ikaw sa akin. Kaya malulubos sila sa kaisahan, at kikilanlin ng mundo na ikaw ang nagsugo sa akin at nagmahal ako sa kanila gaya ng pagmamahal mo sa akin. “Ama, sila ang ipinagkaloob mo sa akin kaya niloloob ko na kung nasaan ako’y makasama ko rin sila at makita nila ang kaluwalhatian kong kaloob mo sa akin sapagkat minahal mo ako bago pa man nagkaroon ng mundo. “Makatarungang Ama, hindi kumilala sa iyo ang mundo; kumilala naman ako sa iyo at kinilala rin ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinahahayag ko sa kanila ang Pangalan mo at ihahayag pa upang mapasakanila ang pagmamahal mo sa akin at ako rin ay mapasakanila.”

PAGNINILAY:

Mga kapatid, kung bibigyan natin ng pagkakataong magsalita sa atin ang ebanghelyo ngayon, makikita natin at mararamdaman ang pagmamahal ni Jesus sa atin. Alam n’yo na ba ang Mabuting Balita? Ikaw, ako, tayong lahat – ipinagdadasal ni Jesus sa kanyang Ama. Sa katunayan, pangatlong araw na ngayong pinagninilayan natin ang pagdarasal ng Panginoong Jesus sa Ama, alang-alang sa atin.  Ang pagdarasal ni Jesus sa Ama, para sa ating kapakanan – isang malinaw na tanda ng Kanyang walang sawang pagmamahal sa atin. Kahit paulit-ulit tayong nagkakasala sa Kanya; kahit maraming pagkakataong binalewala natin Siya, at naaalala lamang sa tuwing may problema; kahit na ikinakahiya at ipinagtatabuyan natin Siya sa harap ng ating mga kaibigan – Kailan man hindi magbabago ang pagmamahal ni Jesus sa atin. Hinding-hindi mababago ng ating kasalanan, ang pagmamahal Niya sa atin. Katulad ng alibughang Ama, Siya’y walang sawang naghihintay sa ating pagbabalik-loob sa Kanya.  Pinatunayan Niya na ang Kanyang walang-hanggang pagmamahal nang Kanyang ialay ang sarili sa krus upang tubusin tayo sa kasalanan at walang-hanggang kapahamakan.  Hindi pa ba sapat na tanda ito upang sikapin rin nating tumugon sa Kanyang walang-hanggang pagmamahal sa atin?