Daughters of Saint Paul

MAY 30, 2020 – SABADO SA IKAPITONG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 21:20-25

Paglingon ni Pedro, nakita niya na sumusunod ang alagad na mahal ni Jesus, ang humilig sa dibdib niya noong hapunan at nagtanong: “Panginoon, sino ba ang magkakanulo sa iyo?” Kaya pagkakita rito ni Pedro, sinabi niya kay Jesus: “Panginoon, ano naman ang mangyayari sa kanya?” Sinabi ni Jesus: “Kung loobin ko siyang manatili hanggang ako’y pumarito, anong pakialam mo? Sumunod ka sa akin!” Dahil dito’y may lumalaganap na paniwala sa mga kapatid na hindi mamamatay ang alagad na ito pero hindi naman sinabi ni Jesus: “Hindi mamamatay” kundi “kung loobin ko siyang manatili hanggang sa aking pagdating.” Ito ang alagad na nagpapatunay tungkol sa mga bagay na ito at sumulat ng mga ito. Alam namin na totoo ang kanyang pagpapatunay. Marami pang ibang ginawa si Jesus, na kung masusulat ang mga iyon nang isa-isa, sa tantiya ko’y di magkakasya sa mundo ang mga isusulat na mga aklat.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Alam nyo na ba kung sino yung alagad na tinutukoy ni Pedro na sumusunod kay Jesus at sinasabing minamahal niya? Siya ay walang iba kundi si Juan, ang sumulat ng Mabuting Balitang narinig natin ngayon. Parang may kontrobersyang namumuo sa pagitan ng mga alagad. Mga kapanalig, magfast forward tayo sa panahon natin ngayon. Ano kaya ang mararamdaman mo kung isa sa mga kapatid mo, o kaopisina, o kasama sa parokya ang magsabi na siya ang paboritong anak ng inyong mga magulang, o empleyado ng inyong boss, o parokyano ng inyong kura-paroko? Hindi ba natural lang yung makaramdam tayo ng inis? Sino ba siya? Anong meron siya na wala tayo? Anong karapatan niyang sabihin na siya ang paborito? Maaaring ganyang-ganyan din ang mga tanong na naglalaro sa isipan ng mga alagad para kay Juan. Pero sa isang banda, lahat naman tayo ay may karapatang magsabi na paborito tayo, at katangi-tangi. Depende lang yan kung paano natin titignan ang ating mga sarili at ang relasyon natin sa Diyos at sa mga taong importante sa ating buhay. 

PANALANGIN:

Panginoon, lagi nawa naming maalala na sa paningin ninyo lahat kami ay pantay-pantay. Ipagdiwang nawa namin ang iba’t ibang katangian, kakayahan, at talentong taglay namin at ng aming kapwa. Gamitin nawa namin ang lahat ng iyon para sa inyong kaluwalhatian. Amen.