Daughters of Saint Paul

Mayo 04, 2017 HUWEBES sa Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay / Santa Maria Magdalena de Canossa

Gawa 8:26-40 – Ps 66 – Jn 6:44-51

Jn 6:44-51

Sinabi ni Jesus sa mga tao:  “Walang puwedeng lumapit sa akin kung hindi siya ihahatid ng Amang nagsugo sa akin. At ako ang magbabangon sa kanya sa huling araw. Nasusulat sa Mga Propeta: ‘tuturuan nga silang lahat ng Diyos.’ Kaya ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lumalapit sa akin.

            “Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos; siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay na walang-hanggan ang naniniwala sa akin.

            “Ako ang tinapay ng buhay. Kumain nga ng manna sa ilang ang inyong mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang huwag mamatay ang kumain nito. Ako ang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.”

PAGNINILAY

Mahalagang  pagkain ang tinapay para sa mga Hudyo.  Bukod sa itinuturing nila itong handog ng Panginoon, simbolo rin ito ng Batas ng Diyos o ang tinatawag nilang Torah.  Ito ang batayan ng kanilang salita at gawa.  Batayan ng paghubog ng kanilang asal at pakikipag-ugnayan sa Diyos.  Pero si Jesus na nagkatawang tao, lampas pa sa Batas.  Sa Kanyang pagkatawang tao, inialay Niya ang buo Niyang sarili bilang pagkaing bumaba sa Langit.  Tinapay ng Buhay si Jesus na naiiba sa tinapay na tinatanggap ng kanilang mga ninuno sa ilang.  Sa ilang, may hangganan ang tinapay.  Kay Jesus naman, may buhay na walang hanggan.  Mga kapatid, pagyamanin natin sa ating kalooban si Jesus bilang pagkain ng ating buhay.  Tulad sa pagtanggap natin sa Kanya sa Banal na Komunyon, ingatan natin Siya.  Dahil sa tuwing tinatanggap natin Siya, bawat himaymay natin, nahahaluan ng Kanyang pagiging Siya.  Pinababanal tayo.  Pinalalakas tayo laban sa puwersa ng masama.  Pinasisigla ang loob natin sa pakikiisa sa Kanya.  Suriin natin ngayon ang ating kalooban kung gaano kalalim ang pananabik nating matanggap si Jesus sa Komunyon? Nakikita ba sa ating asal ang pagsanib sa atin ni Kristo?  Kung sakaling nakalilimot man tayo, muli tayong magsimula.  Manalangin tayo.  Panginoon, pahintulutan Mo pong maging buhay na saksi ako ng Iyong pananatili sa kasalukuyan.  Hubugin Mo po akong maging bagong Kristo, nang maging buhay na tinapay ako sa kapwa.  Amen.