Daughters of Saint Paul

Mayo 05, 2017 BIYERNES sa Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay / Santa Irma

Gawa 9:1-20 – Ps 117 – Jn 6:52-59

Jn 6:52-59

Nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita:  “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng karne para kainin?”  Kaya sinabi sa kanila ni Jesus,  “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo kakainin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay sa inyong kalooban. May buhay na walang hanggan ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo at ibabangon ko siya sa huling araw.

            “Sapagkat tunay na pagkain ang aking laman at tunay na inumin ang aking dugo. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng buhay na Ama at may buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang kumakain sa akin.

            “Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi para kainin at mamatay tulad sa inyong mga ninuno. Mabubuhay naman magpakailanman ang kumakain ng tinapay na ito.”

            Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum.

PAGNINILAY

Mga kapatid, sa lahat nang nasusulat tungkol sa Eukaristiya, ang Ebanghelyong narinig natin ang malinaw na nagpapahayag na ang Eukaristiya ang mismong katawan at dugo ng Panginoong Jesukristo.  Mariin Niyang sinabi ito at hindi Siya maaaring magkamali sa nais Niyang ipabatid na “May buhay na walang hanggan ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo at ibabangon ko siya sa huling araw.  Sapagkat tunay na pagkain ang aking laman at tunay na inumin ang aking dugo.”  Sa Banal na Eukaristiya, nakatagpo natin si Jesus na Muling Nabuhay, ang maluwalhating Jesus.  Sa unang pagbasa ngayon, Kung paanong binago at ginamit ng Panginoong Jesus si San Pablo Apostol sa Kanyang misyon, sa kabila ng kanyang espiritwal na pagkabulag sa una, tayo din bilang mananampalataya, Kanya ring gagamitin para ipagpatuloy ang pagsaksi na tunay nga Siyang nabuhay.  Mga kapatid, sa kabila ng ating mga kasalanan, pagkukulang at nakaraan – tayo ang simbahang itinatag ng Panginoon. Tayong mga nakikinabang sa Kanyang dugo at laman sa Banal na Eukaristiya, paano natin maipakikita sa ating buhay na tunay nga Siyang buhay, at kumikilos Siya sa mundo sa pamamagitan natin?