Daughters of Saint Paul

Mayo 10, 2018 Huwebes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

JUAN 16:16 –20

Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.” At sinabi ng kanyang mga alagad sa isa’t isa: “Ano itong sinasabi niya sa atin: ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako’ at ‘Papunta ako sa Ama’?” At sinabi nila: “Ano ba itong sinasabi niyang ‘sandali’? Hindi natin maintindihan ang sinasabi niya.” Naintindihan ni Jesus na gusto nila siyang tanungin kaya sinabi niya sa kanila: “Nagtatanungan kayo tungkol dito dahil sinabi kong ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.’ Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim.

PAGNINILAY:

Narinig nating sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad na aalis Siya, at alam Niyang malulungkot sila.  Pero pansamantala lang ang pag-alis Niya at para rin naman sa kanilang kabutihan.  Ang tinutukoy ni Jesus, ang pagkamatay Niya sa Krus.  Tulad ng sinabi Niya, di ba, di nga Siya nagtagal?  Muli Siyang nabuhay upang hindi na mamatay kailanman.  At nagdulot ito ng walang hanggang tuwa sa mga nananampalataya sa Kanya.  Sa karanasang ito ni Jesus at ng Kanyang mga alagad, sino ang inyong naaalala?  Hindi ba ang marami nating kababayan na nangingibang bansa para makipagsapalaran?  Nagtitiis sila doon ng lungkot at kumakayod para iahon sa hirap ang kanilang pamilya.  Ipinagpalit nila ang kanilang paghihirap, para makapagsimula ng kabuhayan, magkaroon ng sariling bahay, makahango sa pagkakautang, mapag-aral ng tuloy-tuloy ang kanilang mga anak at makaipon para sa kanilang kinabukasan. Isang OFW ang nagkuwento ng ganito, nakayanan niya ang sobrang lungkot at pagod sa pagtatrabaho, dahil ang nagbibigay lakas sa kanya, ang diwa na si Jesus, nag-alay ng buhay para sa lahat.  Kaya sa tuwing ibig na raw niyang sumuko, taimtim daw siyang nagdadasal para muli siyang mabuhayan ng loob. Makikita sa OFW na ito, ang tagumpay ng ibinahaging buhay ni Jesus.  Sa kabila ng hirap, may tuwa at pag-asa pa rin sa kanyang kalooban.  Sa ating pang-araw-araw na buhay, lumalapit ba tayo sa Panginoon para humugot ng lakas at pag-asa sa ating dinaranas na pagsubok?  Panginoon, nananalig po ako na hindi N’yo ako susubukin nang higit sa aking makakaya.  Itinataas ko po Sa’yo ang mga kabalisahan ko sa buhay.  Kayo na po ang bahala sa akin.  Amen.