Daughters of Saint Paul

Mayo 9, 2018 Miyerkules sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

JUAN 16:12-15

Marami pa sana akong sasabihin sa inyo pero hindi ninyo masasakyan ngayon. Ngunit pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan. Hindi siya mangungusap mula sa ganang sarili kundi ang naririnig niya ang ipangungusap niya at ang mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo, at sa gayon niya ako luluwalhatiin. Akin ang tanang sa Ama. Dahil dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.’

PAGNINILAY:

Bago nagtapos ang mahabang pananalita ni Jesus noong Huling Hapunan, sinabi ng mga alagad, “Hayan, lantaran ka na ngayong nangungusap…Alam na naming ngayon na alam Mo ang lahat… Dahil dito kaya kami naniniwala na sa Diyos ka galing.”  Pero pinaalalahanan sila ni Jesus na hindi pa lubos ang kanilang kaalaman dahil iiwan nila si Jesus pagdating ng “oras” nito.  Bagamat dapat na higit nilang maunawaan si Jesus pagkatapos ng Kanyang pananalita, mahahayag lamang nang lubos ang Kanyang misteryo pagkatapos ng Kanyang pagkamatay at Muling Pagkabuhay.  Ang paghahayag na ito, gagawin ng Espiritu ng katotohanan na ipadadala ng Ama bilang “handog” ng Muling Pagkabuhay ni Jesus.  Sa pagdating ng Espiritu, ganap na mauunawaan kung sino si Jesus at kung ano ang Kanyang misyon.  Bago ito, bahagi lamang ng nakikita ng mga alagad kay Jesus at naririnig nila mula sa Kanya ang nagagawa nilang unawain.  Katulad sila ni Nicodemo na hindi maabot ng pananaw ang “mga makalangit na bagay” na naririnig ni Jesus mula sa Ama, at ipinahahayag naman ni Jesus sa mga tao.  Ang Banal na Espiritu ang gagabay sa mga sumasampalataya upang maunawaan ang lahat ng katotohanan tungkol kay Jesus. Mga kapanalig, tayo din, marami pang mga makalangit na katotohanan na hindi lubusang maunawaan.  Hindi pa rin natin nauunawaan ang pagpapasampal sa kabila nating pisngi, ng pagpapatawad ng pitumpu’t pitong ulit, ng pagiging huli o ng paglilingkod.  Hindi rin natin lubos na maunawaan ang kahalagahan ng pagkamal ng makalangit na yaman na magdadala sa atin sa buhay na walang hanggan, kaysa sa makamundong yaman na hindi natin madadala sa kamatayan.  Ang Banal na Espiritu ang magpapaunawa sa atin sa lahat ng mga makalangit na katotohanang ito.