Daughters of Saint Paul

Mayo 8, 2018 Martes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

JUAN 16:5-11

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ngayon nama’y papunta ako sa nagpadala sa akin, at wala sa inyong nagtatanong sa akin kung saan ako pupunta kundi tigib ng lungkot ang inyong puso sa pagsasabi ko nito sa inyo. “Ngunit sinasabi ko ang katotohanan: makabubuti sa inyong ako’y umalis sapagkat kung hindi ako aalis, hindi makararating ang Tagapagtangggol. Kung aalis naman ako, ipadadala ko siya sa inyo at pagdating niya, hihyain niya ang mundo sa paglalantad sa kasalanan sa daan ng pagkamatuwid at sa paghatol. “Ito ang kasalanan: hindi sila naniniwala sa akin. Ito ang daan ng pagkamatuwid: sa Ama ako papunta, samantalang hindi n’yo na ako makikita. At hinatulan na ang pinuno ng mundong ito: ito ang paghatol.”

PAGNINILAY:

Sa tagpo ng Ebanghelyong ating narinig, ipinakikilala ng Panginoong Jesus ang Banal na Espiritu.  Sinabi Niya sa Kanyang mga alagad na walang dahilan para malungkot dahil darating naman ang Espiritu sa paglisan Niya.  Galak at gabay ang dala ng Espiritu sa atin.  Galak dahil Siya ang tumitiyak sa atin na hindi nawawala ang Panginoong Jesus sa ating piling – na hindi Niya tayo iniiwang ulila.  Gabay dahil Siya ang umaakay sa atin para makilala ang tunay na mukha ng kasalanan; ang Banal na Espiritu din ang nagpapakita sa atin sa tuwid na landas upang makasama natin ang Panginoon at ang Ama sa Langit. Sa panahon natin ngayon na pinangingibabawan ng relativismong pananaw; na tila wala nang pinaniniwalaang lubos na katotohanan; at ang pagpasya ng tao nakadepende sa kung ano sa tingin niya tama at mabuti – tila hindi na alam ng tao kung ano ang kasalanan.  Isinusulong nito ang kaisipan na wala naman talagang tinatawag na kasalanan, o kung may kasalanan man pwede itong i-enjoy basta’t walang masasaktan.  Meron ngang mga kalakaran sa lipunan ngayon na dati rati’y itinuturing nating masama at taliwas sa kalooban ng Diyos pero pinapalabas ng mundo ngayon na mabuti at paggalang daw sa kalayaang mamili ng tao – katulad ng homosexual marriage, divorce, abortion, contraception at Euthanasia.  Kung susundin natin ang ating gusto at hindi na tayo pasasakop sa turo at kalooban ng Diyos magiging tunay na masaya kaya tayo?  Higit nating kailangan ang paggabay ng Banal na Espiritu na paliwanagan ang ating puso’t isip sa mga umiiral na kalakaran sa lipunan ngayon na labag sa kalooban ng Diyos.