Daughters of Saint Paul

Mayo 7, 2018 Lunes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

JUAN 15:26 –16:4a

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kapag dumating ang Tagapagtanggol na aking ipadadala sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatotoo tungkol sa akin. At magpapatotoo rin kayo sapagkat kasama ko kayo mula sa simula.  “Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang huwag kayong matisod at mahulog. Palalayasin nila kayo sa kanilang komunidad, at parating na ang oras na waring nag-aalay ng handog sa Diyos ang sinumang papatay sa inyo. At gagawin nila ito dahil hindi nila nakikilala ang Ama ni ako. Kaya naman sinasabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang pagdating ng oras at matandaan ninyong sinabi ko ito sa inyo.”

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong ating narinig, nagbabala si Jesus kung ano ang maaaring mangyari sa mga alagad dahil maraming hindi nakakakilala sa Ama at sa Kanya.  Pero nangako Siya na ipadadala Niya ang Espiritu ng Katotohanan para bigyan sila ng karunungang magpatotoo sa Kanya.  Samakatwid, hindi lang kaligtasan ang handog ni Jesus sa kanila kundi handog ng pakikibahagi ng mapantubos na gawain.  Bukod sa mga alagad, di ba’t nakikibahagi rin tayo sa mapantubos na gawaing ito?  Unang-una, dahil sa Diyos nagmumula ang ating buhay, tungkulin nating itaguyod ang karangalan ng buhay na mula sa Kanya, at labanan ang mga sumasalungat sa handog ng buhay ng Panginoon.  Ikalawa, tayo, bilang hinandugan ng Espiritu ng Katotohanan, buong tatag nating ipalaganap ang Banal na Salita ng ating Diyos sa ating salita at gawa.  Halimbawa, makialam tayo sa mga usapin sa lipunan na lantarang sumasalungat sa utos ng Diyos na huwag papatay, huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos, at huwag magpakalat ng kasinungalingan. Maging kasangkapan nawa tayo sa pagtataguyod ng tama at mabuti, at sikapin nating panumbalikin ang moral na pagpapahalaga at delikadesa na unti-unti nang nawawala sa ating lipunan. Pabulaanan natin ang mga sinungaling, lalo na ang mga nagpapakalat ng fake news sa social media.  Ganundin ang mga lumilikha ng mga produkto, panoorin at babasahin na umaakit sa mga kabataan sa maling paraan.  Kapansin-pansin, na maraming mga kabataan sa ngayon ang addict sa gadgets, at nagiging individualistic.  Napag-isip-isip nyo ba kung ilang porsyento ng impormasyong nasasagap nila sa internet at sa social media ang tunay na kapaki-pakinabang sa paghubog ng kanilang pagkatao? Hilingin natin ang gabay ng ating Ina na Luklukan ng Karunungan, upang matutuhan natin ang tamang paraan ng tuluyang pakikinig sa Espiritu ng Katotohanan.  Sa gayon, matutupad natin ang ating tungkulin bilang kabahagi sa mapantubos na gawain ng ating Panginoon.