EBANGHELYO: JUAN 13:16-20
Sinabi ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, walang aliping mas dakila sa panginoon niya, ni walang sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya. Kung nauunawaan ninyo ito, mapalad kayo kung isasagawa ninyo ang mga ito.
“Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang mga hinirang ko. Ngunit kailangang maganap ang kasulatan: ‘Ang nakikisalo sa aking pagkain ay nagpakana laban sa akin.’ Sinsabi ko na ito ngayon sa inyo bago pa mangyari upang manalig kayo na Ako Nga kapag ito ay nangyari.
“Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ang tumatanggap sa ipinadadala ko ay sa akin tumatanggap, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa Amang nagpadala sa akin.”
PAGNINILAY:
Napakagandang mensahe ang pinararating ng Ebanghelyo sa atin ngayong araw na ito. Inaanyayahan tayo ng Panginoon na maglingkod sa ating kapwa tulad ng kanyang halimbawa. Tinatawag niya tayong magpakumbaba gaya ng kanyang ginawa sa kanyang mga alagad. Dahil si Hesus, na tinatawag nating Guro at Panginoon, nagpakumbaba. Kaya tayo rin bilang kanyang mga tagasunod, tinatawag na tularan ang kanyang halimbawa. Katatapos lamang ng ating halalan, may mga bagong tagapag-lingkod tayo. Akmang-akma ang paalala sa ating lahat ng ating Panginoon, maging sino ka man: lider ng bayan, puno ng pamilya, negosyante, guro, estudyante, namamalimos sa kalsada o kahit ano pa mang ginawa natin sa buhay, nararapat tayong magpakumbaba at maglingkod. Naalala ko ang isang kasabihan, “mas pipiliin ko pang maging kawayan kaysa maging isang matayog na punong kahoy, dahil sa panahon ng bagyo ang kawayan, natututong iyuko ang buong sarili, kaysa sa punong kahoy.” Ganoon rin sa ating buhay. Marami sa atin ang hindi marunong yumuko at puro sarili lang ang iniisip. Nawa, matuto tayong magpakumbaba, kilalanin ang mga taong tumulong, gumabay at nag-akay sa atin upang marating ang kalalagayan natin ngayon sa buhay. Matuto nawa ang bawat isa sa atin na lumingon sa kahapon, at magpasalamat sa ating mapagmahal na Ama sa mga biyayang natanggap, natatanggap, at matatanggap pa. Nawa, tulad ng isang kawayan, lalo na sa panahon ng pagsubok, mga bagyo o unos sa buhay, matutuhan nating iyuko ang buong sarili sa harap ng Panginoon at patuloy na maglingkod sa ating kapwa tao. Amen.
– Sem. Mark Louse Maraan,Aspirant ng Society of St. Paul