JUAN 17:20-26
Tumingala si Jesus sa Langit at nagsalita: “Hindi sila lamang ang aking ipinagdarasal kundi pati ang mga naniniwala sa akin sa pamamagitan ng salita nila. Maging iisa sana silang lahat kung paanong nasa akin ka, Ama, at nasa iyo ako. Mapasaatin din nawa sila upang maniwala ang mundo na ikaw nga ang nagsugo sa akin. “Ipinagkaloob ko naman sa kanila ang luwalhating ipinagkaloob mo sa akin upang maging isa sila gaya nang tayo ay iisa: ako sa kanila at ikaw sa akin. Kaya malulubos sila sa kaisahan, at kikilanlin ng mundo na ikaw ang nagsugo sa akin at nagmahal ako sa kanila gaya ng pagmamahal mo sa akin. “Ama, sila ang ipinagkaloob mo sa akin kaya niloloob ko na kung nasaan ako’y makasama ko rin sila at makita nila ang kaluwalhatian kong kaloob mo sa akin sapagkat minahal mo ako bago pa man nagkaroon ng mundo. “Makatarungang Ama, hindi kumilala sa iyo ang mundo; kumilala naman ako sa iyo at kinilala rin ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinahayag ko sa kanila ang Ngalan mo at ihahayag pa upang mapasakanila ang pagmamahal mo sa akin at ako rin ay mapasakanila.”
PAGNINILAY:
Hindi makapagsalita si Emmanuel sa kaiiyak. Nang tawagin siya ni Pope Francis na ibulong sa kanya ang tanong, naglakas-loob itong lumapit. "Kamamatay lang ni Tatay. Hindi siya naniwala sa Diyos, pero pinabinyagan niya kaming apat na magkakapatid. Naging mabuting tao siya. Nasa langit ba si Tatay?" Heto ang tugon ni Pope Francis: "Kung makakaiyak sana tayo tulad ni Emmanuel kapag masakit ang ating kalooban! Iniiyakan niya si Tatay, at naglakas-loob siyang lumapit at magsalita dahil mahal niya ang kanyang ama… Hindi ba napakagandang marinig sa labi ng anak na "Mabuting tao ang ama ko?" "At napakagandang patotoo ng anak na nagmana ng lakas-ng-loob sa kanyang ama ang umiyak sa harapan nating lahat. Kung nagawa ito ng anak, totoong mabuting tao ang ama. Hindi niya natanggap ang biyaya ng pananampalataya pero pinabinyagan niya ang mga anak niya." Tanging ang Diyos lamang ang makapagsasabi kung sino ang pupunta sa langit. Ang puso ng Diyos, gaya ng puso ng isang ama. At para sa isang amang hindi naniniwala sa Diyos pero pinabinyagan ang lahat niyang anak, nagbigay ng lakas-ng-loob, hahayaan ba ng Diyos na malayo siya sa kanya? Pababayaan ba ng Diyos ang kanyang mga anak? Mga anak na nagsikap magpakabuti? "Emmanuel, siguradong masaya at proud ang Diyos sa Tatay mo dahil mas madali para sa isang mananampalataya na pabinyagan ang mga anak, kaysa sa isang hindi naniniwala sa Diyos. Sigurado akong nasiyahan ang Diyos sa iyong ama. Kausapin mo ang tatay mo. Magdasal ka sa kanya." Ikaw kapanalig, ganito rin ba ang pagkilala mo sa Diyos nating Ama?